Isang music event na matatawag ang pagsasama sa iisang entablado nina Martin Nievera at Gary Valenciano sa isang much-awaited back-to-back live concert na pinamagatang As 1 na gaganapin sa MOA Concert Grounds ng SM Mall of Asia, Roxas Blvd., Pasay City sa darating na September 19 (Saturday) sa ganap na ika-8 ng gabi.
Twenty-five years ang hinintay bago naisakatuparan ang pagsasama ng dalawa sa concert stage hindi bilang guest ang isa ng isa kundi magkapantay ang kanilang exposure sa stage.
Hindi marami ang nakakaalam na kahit sila ang pinagsasabong noon ng media bilang arch rival, naging mag-best friend sina Martin at Gary at lalong lumalim ang kanilang samahan sa paglipas ng maraming taon.
Pamilya ang turing ni Martin kay Gary at sa kanyang pamilya. Nang magkaroon ng problema ang marriage ni Martin, ang mag-asawang Gary at Angeli Valenciano ang kanyang tinakbuhan. Sa mga espesyal na okasyon nina Martin at Gary, naroon ang kanilang suporta para sa isa’t isa.
Nang isilang ni Angeli Pangilinan-Valenciano ang kanilang panganay ni Gary na si Paolo, si Martin pa mismo ang kumuha ng video sa loob ng delivery room habang si Gary ang nakaalalay sa asawa.
Dahil isang major event ang pagsasama nina Martin at Gary sa isang concert na iikot din sa iba’t ibang bahagi ng Canada at Amerika, isang rare album ang inilabas ng PolyEast Records sa pakikipagtulungan sa GV Productions, Inc. at Manila Genesis kung saan ay inawit ni Martin ang mga hit songs ni Gary at si Gary naman ay inawit ang mga classic hits ni Martin bukod pa siyempre sa kanilang duets.
* * *
Sa kabila na sa isang taon pa mangyayari ang halalan, maugong ngayon pa lamang ang marami sa ating mga kilalang celebrties ang lulusong sa larangan ng pulitika tulad na lamang nina People’s Champ Manny Pacquiao at ang controversial ‘komiks king” turned-movie-TV director na si Carlo J. Caparas. Si Manny ay sinigurado na ang pagtakbo sa pagka-congressman sa Saranggani Province habang si Direk Carlo J. naman ay kakandidato sa pagka-senador.
Pero bago nila harapin ang kampanya sa susunod na taon, haharapin muna nila ang kanilang mga naunang commitments. Si Manny si may dalawang regular TV show sa GMA, ang Pinoy Record kasama si Chris Tiu at ang bagong simulang sitcom nila ni Marian Rivera na Show Me Da Manny at may bago din siyang pelikula, ang Pangarap Kong Jackpot Trilogy na pang-75th anniversary offering ng PCSO na magkatulong na dinirek nina Direk Carlo J. at Toto Natividad.
* * *
Alam mo, Salve A., kung puwede nga lamang manalong lahat ang siyam na celebrities na kalahok sa ikatlong season ng Celebrity Duets, marami ang matutuwa dahil halos lahat sila ay nangakong ilalaan ang kanilang mapapanalunang cash prize sa charities tulad na lamang ng perfume czar na si Joel Cruz ng Joel Cruz Signatures at Aficionado na may sampung charitable institutions na tinutulungan tulad ng Hospicio de San Jose, Tahanang Walang Hagdanan, Asio de San Vicente de Paul, PGH-Pediatric Wards #9 & 11, Missionaries of Charity, Kids Foundation, Jesus Loves the Little Children Foundation, Mother Theresa - Sisters of Charities Foundation, Wish Ko Lang ng GMA 7 at ang batang Sampaguita vendor sa may Quiapo Church.
* * *