Nikki walang pakialam kung natsitsismis na buntis

Dating Aztec, ngayon ay Bojo Band na anim na kalalakihan na bumubuo sa isa sa pinakasikat na banda sa Gapo City (Olongapo) na mina-manage ng isang direktor sa TV, si Elmer de Vera.

Eight of us movie writers were fortunate enough na maimbita sa album launching ng Bojo Band na ginanap sa Brads Bistro Bar doon mismo sa Olongapo. Hindi lamang kami pinasikatan nina Raymond Patras Ramos, ang lider ng grupo na siyang humahawak ng lead guitar at siyang gumagawa ng lahat ng awitin ng banda; Err Sampe, isa sa dalawang bokalista; Genes Layda, ang keyboardist; Kris Deloroso, ang bass player; Janno Villamarzo, ang drummer; at si Robert “Bojo” de Dios, ang isa pang bokalista na kung saan kinuha ang pangalan ng banda.

 Kahit bago lamang nagkakasama ang anim, kilala na sila sa Gapo, paikot-ikot sila sa mga clubs at bistros dito. Dumadayo rin sila ng Maynila at minsan naka­kasama nila ang mga sikat na grupo, tulad ng The Dawn, Parokya ni Edgar, Callalily, at Para­luman.

Ang self-titled album ng Bojo ay nagtataglay ng all-original composition ni Ramos, tulad ng Kapayapaan (Walang Hanggan), Magkakulay, Maghihintay, Noon at Ngayon, Kulitan, Sa ’Yo, Time Machine, at Paalam. Mayroong minus one music ng mga awiting Magkakula at Kulitan.

If you think na mga banda lamang sa Maynila ang maga­galing at puwedeng ipagmalaki, maling-mali kayo. Naririyan ang Bojo Band na puwedeng pumunta ng Maynila para makilala, pero mas gustong maging pride ng Olongapo.

* * *

Mukhang nakakita si Billy Crawford ng isang maipagkakapuring nobya sa katauhan ni Nikki Gil.

Hindi ito napipikon kahit naiintrigang buntis at malaki ang ulo, tinatawanan na lang niya ito at uma­asang lalabas din ang totoo sa katagalan, na siya na­mang nangyayari ngayon.

 Enjoy pareho sina Billy at Nikki sa kanilang relasyon. Sa halip na maging problema ang limang taong pagitan sa edad nila, naniniwala si Nikki na nakakatulong pa nga ito, dahil binibigyan nito ang kanyang boyfriend ng maturity para maintindihan siya at mapakibagayan ang kanyang kabataan.

Bagama’t ipinagmamalaki niya na highly rated ang unang pagsasama nila sa Maalaala Mo Kaya, natutuwa siya na wala silang teleserye na magbabawas ng kanilang time together. Sa halip nakakapag-dinner pa sila sa bahay ng isa’t isa, kasama ang kani-kanilang mga magulang.

 “Okay kami sa aming relasyon. Ayaw na namin itong pabigatin. Tama na kung nagkakasama kami sa trabaho, best friends din kami,” sabi ni Nikki who will be starring with Coco Martin sa isang episode ng Komiks Presents Agimat at Nagsimula sa Puso.

Twenty two years old na si Nikki nung Aug. 23. Nag-dinner lamang sila ng kanyang pamilya kasama si Billy. Wish niyang makapag-travel sa Europe, kung saan naging sikat ang kanyang nobyo.

* * *

Kung gumawa man ng pangalan bilang isa sa anim na finalists ng Are You the Next Big Star? si Alexa Ortega, mas naunang nakilala sa local showbiz ang nakakabata niyang kapatid na si Cheska, gumanap ng Gabriela Montes sa local version ng High School Musical kasama sina Sam Concepcion at PJ Valerio. Naging regular cast din siya ng Lipgloss ng TV 5.

Sa ngayon, abala siya sa album na ginagawa niya sa Viva. Pangarap niyang maging isang sikat na artista at international recording star. Seventeen years old na si Cheska nung Aug. 2.

* * *

Hindi n’yo ito paniniwalaan, isang lalaki ang naging cover ng isang men’s magazine.

Alamin ang istorya sa likod ng pagiging cover boy ni Robin Padilla sa Showbiz Central ngayong hapon. 

Show comments