Hindi nga pagkakaitan ng langit ng suwerte ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Hindi kasi siya maramot. Ibinabahagi niya ang kanyang suwerte sa maraming tao. Generous siya, kakilala man o hindi. Tulad ng kapwa niya boksingero na si Onyok Velasco na masaya nang tumutulong sa mga amateur boxers pero nang magkasama sila sa isang paliga ng basketball na kung saan kapwa sila naglaro sa koponan ng all-star team, nangako siya na isasama sa sitcom na gagawin ni Pacman. Tinupad ito ng huli at ngayon ay magkasama sila sa kauna-unahang sitcom ni Pacman, ang Show Me Da Manny na magsisimula na ngayong Linggo, Agosto 23, sa GMA 7.
Sa launching ng nasabing nakakatawang serye na ginanap sa isang kainan sa labas ng GMA 7, sinasabing namudmod ng P300,000 sa entertainment press ang kampeon sa boksing at bida sa nasabing serye sa pamamagitan ng isang raffle.
All praises ang mga co-actors ni Manny sa serye sa kanya. Sabi nila down to earth ito, naturally funny, hindi na kailangang turuan para maging nakakatawa, umuupo pa lamang ito sa harap nila ay natatawa na sila. Pero ang pinakagusto nila ay hindi mayabang ang Pambansang Kamao, willing to learn pa at nakikinig sa lahat. Nagsisimula sila ng trabaho ng masaya at nagtatapos din sila sa ganitong mood.
Nangako si Manny na ’di tulad ng Pinoy Records na nagsa-suffer sa pag-alis-alis niya para sa kanyang training at para na rin mismo sa mga laban niya, mag-a-advanced taping sila sa bago niyang series bilang paghahanda sa mga magiging laban niya. Kung ilang linggo siyang mawawala, ganun karami rin ang ia-advance nila para hindi maapektuhan ang Show Me Da Manny na nasa direksyon ni Uro dela Cruz.
Kuwento pa lamang ng bagong TV sitcom ay nakakatawa na — tungkol sa isang amateur boxer, si Manny Santos, na nagpapatakbo ng Gym Santos na namana niya sa kanyang mga magulang. Nagulo ang takbo ng gym ni Manny nang tapatan ito ng isang sopistikado at modernong gym, ang Gym Paredes Fitness Center na pag-aari ni Ella Paredes (Marian) ang nag-iisang tao sa komunidad na matapang na kumakasa kay Manny. Malas pa ni Manny dahil hindi lamang mga parokyano niya sa gym ang nagagawang nakawin ni Ella kundi maging ang kanyang puso.
* * *
Napaka-suwerte rin naman ni Zaijian Jaranilla, ang gumaganap ng San-tino sa May Bukas Pa dahil magdiriwang siya ng kanyang birthday sa Hong Kong Disneyland.
May inihahandang pelikula na rin ang Star Cinema para sa batang nakagawian nang tawaging Santino na kung saan magkakasama sila ni Piolo Pascual.
Gusto niya muling makasama sa serye ang hari ng komedya na si Dolphy dahil napakabait daw nito.
Sa kasalukuyan, binibigyan niya ng milagro ang mga characters nina Bea Alonzo at Nash Aguas na gumaganap na mag-ina na tinatakasan ang kalupitan ng ama ng bata na isang autistic.