Sa wakas ay nabigyan na rin ng malaking break ang baguhang si Erich Gonzales sa pamamagitan ng sarili niyang teleserye, ang TV remake ng pelikulang pinagbidahan noon ni Dina Bonnevie, ang Katorse.
Tatlong bagitong aktor ang leading men ni Erich, ang Pinoy Big Brother Teen Edition Plus winner na si Ejay Falcon, ang model-athlete na si Xian Lim, at ang champion swimmer-actor na si Enchong Dee mula sa direksiyon ni Malu Sevilla.
Since may pagka-daring ang role ni Erich sa Katorse bilang si Nene na na-in love at nabuntis sa edad na katorse, hindi siya nagpakiyeme sa hinihingi ng istorya at ng kanyang direktor.
“Napakaganda ng istorya ng Katorse at tiyak na kapupulutan ng aral lalo na ng mga kabataan,” pangako ni Erich na sa pagkakaalam namin ay sentro ng attention ngayon ni Xian.
And speaking of Erich, isa kami sa mga naniniwala, Salve A., na siya na ang next important star sa bakuran ng ABS-CBN. Bago ang Katorse ay isinalang si Erich sa isang napakagandang episode ng 18th anniversary ng Maalaala Mo Kaya presentation na na-kabituin niya pa ang comedy concert queen, si AiAi delas Alas.
* * *
Tiyak na matutuwa ang ating mga kababayan sa Japan dahil dadayo roon ang bida ng Darna na si Marian Rivera kasama ang kanyang leading man na si Mark Anthony Fernandez para sa promo ng fantaserye nila sa bansang Hapon.
Matagal nang inaabangan at hinihintay sa Japan si Marian kahit nung panahong kainitan ng Marimar nila ni Dingdong Dantes. Ngayong malapit na itong mangyari, tuwang-tuwa ang ating mga kababayan doon dahil sa wakas ay personal na nilang makikita at makakadaupang-palad si Marian na sikat na sikat maging sa mga Hapones.
Hindi naman kaya atakihin ng selos si Dingdong dahil hindi siya ang kasama ni Marian kundi si Mark Anthony?
* * *