Nakakaaliw nga pala ang trailer ng Kimmy Dora (Kambal sa Kiyeme), ang launching movie ni Eugene Domingo na palabas sa September 2.
Na-curious lang akong panoorin ang trailer sa Facebook account ng pelikula dahil ang daming naaliw.
True enough, may aliw factor siya na hindi corny. Kung trailer ang basehan, mukhang papatok ang pelikulang produced ni Piolo Pascual for Spring Films.
Star Cinema ang original na magri-release ng Kimmy Dora pero dahil sa problema, officially ang Solar Films na ang magdi-distribute sa mga sinehan dahil hindi pa naaayos ang problema sa pagitan ng Star Cinema at SM Cinemas na ang unang casualty ay ang pelikulang And I Love You So starring Bea Alonzo at Sam Milby.
Hindi na raw natanggihan ni Mr. Wilson Tieng ng Solar ang request ng produ ng pelikula dahil kasama rin sa pelikulang Wapakman ang mga staff ng Kimmy Dora.
As of press time, hindi pa rin nagkakaayos ang Star Cinema at SM Cinemas dahil sa umano’y maling report ng box-office ng kanilang pelikula.
Muntik na raw ganito ang mangyari sa pelikula ng Regal Films na Oh My Girl. Pero nahilot ang problema ng Regal, particular na ni Ms. Roselle Monteverde-Teo, ang SM nang malaman nilang (Regal) nagalit ang SM.
Inulit ng source na wala silang idea na ito ang mangyayari. Libre nga raw kasi sa Trinoma ang premiere night at bago pa ang sinehan.
Anyway, kung anuman ang problemang meron sila, ito ang rason kaya ang Solar na ang magre-release ng Kimmy Dora.
* * *
Mukhang malayo pa ang mararating ng banggaang Annabelle Rama at Wilma Galvante. Wala pa raw planong tantanan ni Annabelle ang kanyang kampanya na “Wilma resign.”
Pero teka, may bulung-bulungan na may blessing daw ang management ng guesting ni Annabelle sa Startalk?
Wait na lang natin ang mas mainit na kuwento sa kanilang away dahil walang masyadong issue ngayon sa showbiz.
* * *
Ay may isang nakakaaliw na kuwento na narinig ko tungkol sa isang TV host.
Kaya pala siya literal na nilayuan ng ilang mga kaibigan (mga kaibigan pa noong hindi pa siya mayaman at sikat) ay dahil naiinis ang mga ito sa kanya. Takot daw silang pati sila ay presyuhan at tanungin kung magkano ang halaga nila.
Saka nahihiya na raw lumapit ang mga kaibigan dahil hindi na ito basta-basta puwedeng kausapin. Parating katuwiran daw ay pagod.