Tinatanggihan ni Alfred Vargas ang mga dinner invitations sa kanya dahil seryoso siya sa pagda-diet.
Pinaghahandaan kasi ni Alfred ang isang malaking event bukas at ang pictorial niya para sa Walker underwear.
Malakas ang disiplina ni Alfred. Kapag sinabi niya na magda-diet siya, walang makakapilit sa kanya na kumain.
Sa lahat ng mga alaga ko, si Alfred ang walang pahinga. Hindi siya nauubusan ng ginagawa.
Kung hindi siya busy sa taping, inaasikaso niya ang kanyang farm sa Bulacan at may oras pa siya na bisitahin ang mga residente ng Quezon City, porke desidido nga siya na kumandidatong konsehal sa susunod na taon.
* * *
Nakalimutan ko na ikuwento sa inyo na umapir si Ara Mina sa presscon ni Rochelle Barrameda noong Biyernes.
Si Ara ang isa sa mga malalapit na kaibigan ni Rochelle. Siya ang tulay kaya nagkakilala ang Barrameda family at si DILG Secretary Ronnie V. Puno.
Thankful si Rochelle at ang kanyang pamilya kay Papa Ronnie dahil matagal na pala itong tumutulong sa imbestigasyon sa pagkawala at pagpatay sa kanyang sis na si Ruby Rose.
Sayang nga lang, hindi dumating si Papa Ronnie sa presscon ng mga Barrameda. Gustong malaman ng press ang latest update sa kaso ng pinaslang na kapatid ni Rochelle.
* * *
Si TJ Trinidad ang love interest ni Iza Calzado sa SRO Cinemaserye.
Hindi nawawalan ng project si TJ mula nang mag-ober da bakod siya sa GMA 7. Maganda ang role na ibinigay sa kanya sa Zorro at maliban sa pagiging leading man ni Iza sa SRO, kasama si TJ sa cast ng Stairway to Heaven. Sina Dingdong Dantes at Rhian Ramos ang co-stars ni TJ sa “Tagalized” version ng Korean series na Stairway to Heaven.
Gumagawa rin siya ng pelikula, ang Patient X na unang movie team-up nina Richard Gutierrez at Heart Evangelista.
* * *
Sikat na sikat na ang apat na honor guards ni President Cory Aquino. Pinagkalooban sila ng mga karangalan, na-promote sa trabaho, at nabigyan ng pabuya.
Deserving naman ang mga honor guards sa mga karangalan na natanggap nila dahil napakahirap ng kanilang ginawa sa araw ng libing ni Mama Cory. Siyam na oras silang nakatayo mula sa Manila Cathedral hanggang sa Manila Memorial Park.
Hindi gumalaw, kumain, umihi, nabasa ng ulan, at nakabilad sa araw ang apat na gwardiya. Talagang pang-Guinness Book of Records ang kanilang karanasan.
Pero paano naman ang mga honor guards na naghatid sa labi ni Mama Cory mula sa La Salle Greenhills hanggang Manila Cathedral?
Hindi sila dapat ma-ignore dahil sa kanilang mga sakripisyo inabot ng limang oras ang paglilipat sa bangkay ni Mama Cory mula sa Greenhills hanggang Manila Cathedral. Limang oras din na hindi kumilos at kumain ang four honor guards na hindi pa natin nakikilala. Dapat din silang bigyan ng karangalan dahil sa sacrifice nila.
* * *
Bilib ako sa memory ni Jinkee Pacquiao ha? Naalaala pa niya ang Victorinox watch na kanyang ibinigay sa akin nang magkita kami sa coffee shop ng EDSA Shangri-La, ilang buwan na ang nakalilipas.
Hinanap ni Jinkee sa akin ang relo nang magkrus ang landas namin sa pa-presscon sa kanya ng Belo Medical Clinic.
Nagkataon naman na hindi ko suot ang relo ng araw na iyon dahil papalit-palit ako ng ginagamit na relo.
Sold out na ang mga Pacquiao watches ng Victorinox kaya itinuturing ito na collector’s item. Matatagalan pa yata bago uli maglabas ng Pacquiao watches ang Victorinox.