Bagaman at flattered dahil itinuturing na siyang showbiz royalty, mas lalong kabado si Eugene Domingo sapagkat baka hindi niya mapanindigan ang pagiging Diyosa ng Pagpapatawa, lalo’t may movie siyang lalabas na kung saan ay magbibida siya sa kauna-unahang pagkakataon.
“Maganda ang titulo pero, at the end of the day alam ko na ang trabaho ko ang kanilang titingnan.
“Doble ang inexert kong effort sa pelikula pero, in fairness, maganda ang movie, may sophistication at kabadingan,” anang pinagkatiwalaan ng kanyang mga kaibigang sina Piolo Pascual, ang business manager na si Erickson Raymundo, ang cinematographer na si Shayne Sartre, at ang blockbuster director na si Bb. Joyce Bernal na magdala ng isang pelikula bilang unang proyekto ng kanilang Spring Films.
Pinamagatang Kimmy Dora (Ang kambal sa Kiyeme) ay magsisimulang mapanood sa Setyembre 2 ginagampanan ni Eugene ang role ng kambal na sina Kimmy at Dora Go Dong Hae at mai-in love sa isang lalaki na gagampanan ni Dingdong Dantes.
“Hindi naman kailangan na kapag leading lady ay saksakan ng ganda, puwede naman yung parang maganda kapag naayusan. At saka meron naman tayong tinatawag na mga pelikulang fantasy, eto na siguro yun,” patuloy niya.
Kilala na ang husay ni Eugene sa komedi, kaya naman napakarami niyang ginagawa, halos wala na siyang panahon.
Minsan ay kinausap siya ng masinsinan ni Direk Joyce. Gumising ito ng alas-tres ng umaga para lamang sabihin sa kanya na dapat naka-focus siya sa ginagawa nilang pelikula, dapat wala siyang maraming ginagawa.
“Idagdag mo pa rito ang pagiging pakialamera niya. Pero naiintindihan ko na gusto lamang niyang magbigay ng kanyang input. Mahirap siyang ka-trabaho pero mas gusto ko na siya kesa sa ibang ang aga-agang dumarating sa set pero, wala namang nagagawa,” sabi pa ni Bb. Joyce.
Nang tanungin kung napi-pressure ba siya dahil ito ang kanyang kauna-unahang title role, ang naging pahayag ni Eugene ay “Hindi kasi maraming sumusuporta. Tulad ni AiAi delas Alas. Sinabi niya na napanood na niya ang trailer ng movie at natawa siya. Tinanong din niya kung kailan ang showing nito dahil ipa-plug daw niya sa Ruffa & Ai.”
Kasama rin ni Eugene sa movie sina Zanjoe Marudo, Miriam Quiambao, Ariel Ureta, Gabby Eigenmann, Baron Geisler with the special participation of Rufa Mae Quinto, Vhong Navarro, Regine Velasquez, Erik Santos, Christian Bautista, Crystal Henares, at marami pang iba.
* * *
May talent ka ba? May ganda ka ba? At, ikaw ba ay BIGATen?
Kung ikaw ay 20-22 years old na babae, 180-220 lbs, magaling umarte at may pleasing personality, mag-audition na para sa pinakabagong BIGating show ng ABS-CBN. Nagsimula na ang audition kahapon Aug. 15 (Sabado) at magpapatuloy ngayong Linggo. Aug. 16 (Linggo), 9:00 NU – 4:00 NH sa ABS-CBN Center Road. Magdala lamang ng valid ID o birth certificate at hanapin si Jasmine Pallera.
* * *
Tatlong celebrities ang tampok ngayong hapon sa Showbiz Central, ang mga aktor na sina Vic Sotto at Robin Padilla at ang TV host na si Paolo Bediones.
Hindi na ang pagli-link sa kanila ni Paula Taylor ang bubusisiin ng SC kundi ang pagkakabingit ng buhay ni Vic nang maging biktima ito ng hit and run.
Si Paolo Bediones at ang diumano’y paghihiwalay nila ng girlfriend niyang si Abby Cruz ang pakikialaman din sa show.
Si Robin Padilla, tutol daw sa pakikipag-relasyon ng kanyang anak na si Queenie sa sumisikat na si PJ Valerio, isang theater actor at isa sa mga hosts ng Walang Tulugan. Ano kaya ang itinututol ng sikat na action star sa bagong artista?
Lahat ito masasagot ngayong hapon sa programa ng GMA 7.
* * *
Si Piolo Pascual ang popular na choice ng dalawa sa apat na honor guards na naghatid kay dating pangulong Cory Aquino sa huling hantungan para gumanap sa kanila just in case na maipelikula ang kanilang buhay. Ang dalawa pa ay sina Jericho Rosales at Gerald Anderson.
Si Piolo din ang napipisil ng Star Cinema na gumanap bilang batang Ninoy Aquino kapag isinapelikula nila ang buhay nito.