Puro US goods: Boutique ni Jinkee mabenta

Nalilibang ako sa panonood ng Darna ha? Aliw na aliw ako sa eksena ni Janice de Belen at ng bagets na gumanap na Valentina noong Martes nang gabi.

Ang eksena eh tinatanong ng bagets sa kanyang ina na ginagampanan ni Janice kung maganda na ba siya dahil nilagyan niya ng mga ribbon ang mga ahas sa kanyang ulo.

Bilib na bilib ako sa bagets na gumanap na batang Valentina dahil hindi siya natakot sa mga ahas.

Nakakatakot ang eksena pero hindi ako naglipat ng TV channel. Ganoon ka-interesting ang Darna, lalo na kung lumabas na ang iba pang mga kalaban niya.

Hindi ko pa alam ang rating ng Darna noong Martes pero ang balita ko, nagkaroon ng problema ang mga cable subscribers. Hindi raw nila napanood ang second night ng Darna dahil sa aberya sa kanilang mga cable TV.

* * *

Mabenta pala ang boutique ni Jinkee Pacquiao sa General Santos City. Mga imported goods at mga gamit na binibili niya sa Amerika ang mga itinitinda sa boutique.

Naisip ni Jinkee na magpatayo ng boutique dahil marami ang nagtatanong at interesado sa mga damit na isinusuot niya.

Eh madalas bumiyahe si Jinkee sa Amerika. Para magkaroon ang mga kababayan niya sa GenSan ng mga gamit at damit na katulad ng sa kanya, nagbukas siya ng tindahan sa bayan nila ni Manny.

Nakatsikahan portion ko ang mga kapatid ni Jinkee sa presscon ng Belo Medical Clinic. Sila ang nag-confirm sa akin na talagang dinarayo ng mga residente ng GenSan ang boutique.

* * *

Si Jinkee ang image model ng Belo Diet Injections kaya nagpatawag ng presscon noong Martes si Dr. Victoria Belo.

Ipinagmamalaki ni Mama Victoria na effective na endorser si Jinkee dahil marami ang nagpupunta sa kanyang clinic para i-try ang Diet Injections.

Nainggit kay Jinkee ang mga babae na may weight problem dahil nakita nila na talagang pumayat ang misis ni Manny Pacquiao. Gusto nila na maging kasing-seksi ni Jinkee kaya nagpaturok din sila.

Naintriga ako sa sinabi ni Mama Victoria na hindi lamang Diet Injections ang ipino-promote nila. May drops na rin ang Belo Medical Clinic para sa mga gustong magpapayat at highly-recommended ‘yon sa mga takot sa turok.

Sari-sari na ang mga klase ng pagpapapayat na nauuso. Baka dumating ang araw na malugi na ang gym dahil naengganyo ang madlang-bayan na gumamit ng ibang paraan para pumayat.

* * *

Nasa New Zealand pa si Sandy Andolong. Nagpunta siya doon para dalawin si Rafael, ang panganay na anak nila ni Christopher de Leon.

Babalik si Sandy sa Pilipinas sa August 19 dahil may taping na siya para sa Stairway to Heaven.

Knowing Sandy, malulungkot siya sa pag-alis niya sa New Zealand. Siguradong mami-miss niya si Rafael na may magandang trabaho doon.

Si Christopher ang susunod na pupunta sa New Zealand para dalawin si Rafael. Gusto rin niyang makita ang kalagayan doon ng kanyang anak.

Show comments