Para sa isang pinupupog ng papuri ng kanyang direktor dahilan sa kanyang kahusayan umarte at sa ipinamamalas niyang propesyonalismo sa kanyang trabaho, napaka-insecure pa rin ni Bea Alonzo sa kalalabasan ng kanyang first film venture na wala ang kanyang ka-loveteam na si John Lloyd Cruz at sa halip dalawang maituturing na baguhang aktor ang ibinigay ng Star Cinema para makapareha niya sa tinatayang isang napaka-romantikong istorya ng taon.
“Walang problema, naging komportable naman ako sa kanila. Nagbibiruan pa nga kami bago kinunan at maging nung kinukunan na ang aming mga kissing and love scenes,” pagmamalaki ni Bea.
Ibinuking naman ng director mismo ng pelikulang And I Love You So si Bea nang sabihing tinablan si Bea sa kanyang mga kissing scenes.
“Nakita ko kinakabahan siya at nang take na ay nanginginig pa siya pero dahil magaling na artista madali siyang nakakabawi,” patotoo pa ng guwapong si direk Laurenti Dyogi.
Si Bea ang isa sa mga reasons kung bakit binalikan niya ang pagdidirek ng pelikula. Kuntento na sana si direk sa trabahong ginagawa niya para sa ABS-CBN pero dumating ang pagkakataon na makapag-direk muli kaya tinanggap niya ang hamon.
Hindi lamang naman sa And I Love You So lumabas ang galing sa pag-arte ni Bea. Bago pa ito talagang humahanga na siya sa batang aktres.
“Nakita ko ang willingness niya to learn. Nagtitiwala rin siya sa akin, ginagawa lahat ng ipagawa ko sa kanya, yung mga lovescenes, kahit alam kong may nerbiyos siya.
Sana mabigyan pa siya ng maraming solo projects, kaya niyang magdala ng pelikula,” sabi pa ni direk Laurenti.
When asked kung pwede ba siyang manalo ng award bilang isang new bride na nawalan ng asawa sa movie, sinabi ni Bea na hindi siya partikular sa award. Kung sakali man, bonus na lang ito. “Wala akong craving sa award. Basta lahat ng roles na gawin ko ibinibigay ko ang best ko,” sabi niya.
Bukod sa local showing ng And I Love You So sa buwang ito sa mga sinehan simula bukas, meron din itong international premiere sa Aug. 22 sa Osceola Performing Center, Orlando, Florida at regular international screenings sa US, Aug. 14- Sept. 17, at sa Canada sa Aug. 21- Sept. 18.
* * *
Eh talaga namang ang orihinal na Korean version ng Only You ay maiksi lamang eh, bakit ang daming nagugulat sa nalalapit na pagtatapos nito?
Obvious lang na maganda ang pagkaka-adapt nito sa Pilipino kung kaya ayaw pa ng mga manonood na matapos ito. Isang dahilan din ay ang hindi inaasahang chemistry na nakikita sa pagtatambal nina Angel Locsin at Sam Milby. Maraming manonood ang kinikilig sa kanila.
Sayang din at shortlived yung closeness ng mga characters nina Diether Ocampo at Iya Villania for each other. Pwede na sana ang charater ni Iya para kay Jonathan para hindi ito magmukhang kawawa kapag natuloy na sina TJ at Jillian.
Lahat ay nag-aabang sa magiging katapusan ng serye.
* * *
Marami ang natutuwa sa pagbabalik-pelikula ni Danilo Barrios. Marami ang nag-akala na tuluyan na nitong tinalikuran ang pelikula in favor of fatherhood. Kahit na sa Streetboys ay hindi siya nakakasama.
“Hindi ako ang umayaw, talagang walang dumating na offer. Mabuti na lamang andyan ang family ko to support us. At mabuti na lamang na nung marami akong trabaho ay hindi ako naging bulagsak kaya nakapag-ipon ako. Ito ang nagtawid sa amin nung wala akong trabaho,” sabi ng balik-showbiz na artista na kasama ngayon sa bagong serye ng ABS-CBN, ang Agimat: Mga Alamat ni Ramon Revilla, sa Tiagong Akyat episode na si Gerald Anderson ang nasa title role.
* * *
Pumayag na si Paw Diaz na maging cover ng isang men’s magazine, kelan naman kaya susunod si Erich Gonzales? Parehong produkto ng Star Quest ang dalawa.
Kahit inamin ni Erich na hindi pa siya handa para mag-pose ng sexy sa men’s mag, ang pagpayag niya na tumanggap ng hindi lamang sexy kundi mature role sa Katorse ng ABS-CBN ay isang indikasyon na pwede na siya, handa na siya. Katunayan, bukod sa mga lovescenes, nagkaanak pa siya sa Katorse.
Obvious lang na pinatatanda pa ang kanyang imahe para sa nasabing serye, kaya hindi pa ito ipinalalabas. Dalawa ang kapareha niya rito, sina Sean Lim at EJ Falcon. May role rin siya sa Tiagong Akyat at may kissing scene na naman siya kay Gerald Anderson.
“Sa ngayon, mga ganitong eksena pa lamang ang kaya ko. More than this, hindi pa siguro. Ayaw ko munang magsalita ng patapos at baka kainin ko. Pero kailangan ko pa ng panahon,” sabi niya during the presscon for Katorse.