Grabe ang trapik kahapon ng tanghali kaya hindi na ako umabot sa presscon ng Ever Bilena para kay Karylle, ang endorser ng Pink Water Body Spray.
Hindi ko tuloy nakita at nakausap si Karylle na naging “lady” nang tumanggi siya na sagutin ang mga tanong tungkol kay Marian Rivera.
Ang tanong, irerekomenda ba niya kay Marian na gumamit ng Pink Water Body Spray?
Paano magrerekomenda si Karylle kay Marian eh hindi nga sila nag-uusap pero imbes na magbigay ng kanyang Mona Lisa smile, nagsalita si Karylle na unfair na pag-usapan si Marian dahil hindi naman ito endorser ng Pink Water Body Spray.
Mahinahon, magalang, at malinaw ang sagot ni Karylle kaya hindi siya naging antipatika sa paningin ng mga reporters.
* * *
Hindi artista si Sen. Chiz Escudero pero marami siyang mga tagahanga na nagtatanong tungkol sa kanyang mga paboritong libro, pelikula, at musika.
Dahil college student siya noong dekada 80, paborito ni Papa Chiz ang mga Pinoy rock at ’80s pop music.
Sa mga pelikula naman, hindi nasasawa si Papa Chiz na paulit-ulit na panoorin ang American President, Field of Dreams, The Godfather series, Indiana Jones, Superman, at Star Wars trilogy.
Favorite books niya ang Jesus CEO, Dinner with a Perfect Stranger, The Art of War, The Alchemist, 5 People You Meet in Heaven.
At porke malapit na ang eleksyon, gustong malaman ng fans ni Papa Chiz ang kanyang political plans. Kakandidato ba siya o hindi? Wait na lang natin ang kanyang sagot dahil bawal pa sa batas ang mag-announce ng kandidatura ang mga pulitiko at ang mga type na maglingkod sa bayan.
* * *
Hindi ready si Manny Pacquiao na umapir sa Don’t Lie to Me segment ng Showbiz Central noong Linggo pero hindi siya naka-hindi sa request ng mga tao sa loob ng studio.
Hindi man handa si Manny, walang lie sa kanyang mga sagot kaya hindi napagod sa pagsasayaw si John Lapus.
Baka dumalaw uli ako ngayon sa taping ng Show Me The Manny para bisitahin ang aking mga alaga na kasali sa sitcom nina Manny at Marian. Tuwing Martes ang taping ni Manny at piyesta palagi ang atmosphere sa set dahil sa dami ng mga tao na nakikipagkita sa kanya.
* * *
Mamayang gabi na ang concert ni Lady Gaga sa Araneta Coliseum. Marami ang gustong bumili ng tickets pero wala na silang mabili.
Sold out daw ang mga tickets para sa concert ni Lady Gaga at ang tsismis, missing na rin ang mga complimentary tickets. Ganyan kalakas ang concert ng sikat na singer na alam na crazy ang ibig sabihin sa Tagalog ng kanyang screen name.
Hindi ko knows kung bakit sikat na sikat sa Pilipinas si Lady Gaga at wala akong kainte-interes na panoorin ang kanyang concert dahil kuntento na ako sa mga kagagahan ko.
* * *
Excited na akong mapakinggan ang CD compilation ng aking mga favorite songs. Nasawa na kasi ako sa pakikinig sa buong CD album nina Michael Bublé, Josh Groban, at ni Dr. Manny Calayan.
Sa maniwala kayo at sa hindi, nag-enjoy ako sa pakikinig sa record album ni Dr. Calayan na ibinigay sa akin. Bakit naman ako bibili ng CD album ni Dr. Calayan eh siya mismo ang nag-give sa akin ng kanyang album?
Hindi ko sasabihin kung paano ako nagkaroon ng mga compilation ng aking favorite songs pero isang bagay ang maipapangako ko sa inyo, hindi ako patron ng mga pirated CDs at DVDs!