Dingdong 'di ginawang hari ng GMA

Napaka-suwerte ni Marian Rivera, merong isang giant network na nag-aalaga at nagtitiwala sa kanya. At hindi lamang siya inaalagaan, itinuturing pa siyang reyna, reyna ng primetime, dahil pawang nag-hit ang tatlong serye na ginawa niya para sa kanila, ang Marimar, Dyesebel at Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Kung hindi ba naman siya masuwerte, katambal niya sa tatlong serye si Dingdong Dantes pero, hindi ito tinawag na hari. At sa ikaapat niyang serye, ang Darna na magsisimula ngayong gabi sa GMA wala si Dingdong, isang bagong kapareha ang inaasahan niyang tatanggapin ng mga manonood ng TV bilang leading man niya. Maging mas masuwerte kaya ito kay Dingdong at ituring na royalty na tulad niya? Ater all, marami na ring hit series si Mark Anthony Fernandez. Dito sa Darna, nag-effort si Marian na maging close sila.

 “Naiintindihan ko na hindi siya komportable sa akin. First time namin kasing magkakasama pero, professional siya, katulad ng ibang cast, inilapit ko ang sarili ko sa kanya at sinabing hindi porke ako si Darna eh sa akin lang ang serye. Sabi ko, aming lahat ‘yun and for it to succeed, kailangan ng team effort. Hindi pala ako dapat nag-worry, alam niya yun.”

Hindi naman nahirapan si Marian sa kanyang costume.

“Kailangang maging magaan para sa harness. Kung hindi, mahihirapan akong kumilos sa mga fight scenes ko. You should consider my ‘kaaways.’ Kaya I had to have this physique and maintain it throughout the series,” sabi pa niya.

Walang dahilan para hindi mapanatag ang reyna. Protektado ang kanyang trono, at habang abala siya sa maliit na screen, may mga ginagawa siya para sa big screen. Anytime, mapapanood din ang Tarot, isang nakakatakot na movie ng Regal Films. Sa pelikula man, inihahanda siya para rin maging reyna ng horror. After Tarot, babalikan niya ang role na unang nagpasikat sa kanya sa genre ng suspense/horror, ang Nieves.

* * *

Napanood ko si Direk Carlo Caparas sa isang programa sa TV na kung saan ay tinatalakay ang napaka-kontrobersyal na pagkakapili ng mga bagong pagkakalooban ng dangal bilang National Artist ng bansa. Alam ko na isa siya sa nasa listahan. At bagaman at tinututulan ng marami ang pagkakapili ng ilan sa kanila dahil diumano sa hindi sila dumaan sa proseso na karaniwang ginagawa bago makapili ng winners, hindi naman ako sang-ayon sa tuwiran at diretsahang panghihiya na ginawa sa kanya na animo ay nakagawa na siya ng isang malaking krimen at nililitis sa harap ng manonood.

Hindi sana pinayagan ni Carlo na malagay siya sa ganung sitwasyon. In the first place, hindi siya ang inirereklamo kundi ang proseso ng pagkakapili sa kanila. At dahil napili na siya, dapat ibinibigay na sa kanya ang respeto na dapat niyang tanggapin bilang isang National Artist. Katulad ng sinasabi niya, karapat-dapat na siya sa titulo dahil may napatunayan na siya sa larangan ng visual arts. Pero bakit hinayaan pa niyang mabastos siya sa nasabing programa?

Ganun ba kahalaga ang titulo sa kanya? With or without it, Carlo Caparas na siya. Kinikilala na ang malaking nagawa niya sa komiks at maging sa telebisyon ngayon na kung saan muling binubuhay ang mga characters na una niyang pinasikat sa komiks.

Taga-komiks din ako. Hindi ako nobelista, pero batid ko ang naging kahalagahan niya rito, kung paano niya dinala ang maraming komiks sa kasikatan sa pamamagitan ng kanyang napaka-gagandang mga nobela, nung mga panahong ang entertainment ay hindi pa naka-sentro sa telebisyon at hindi pa uso ang tabloid, at ang tanging nagpu-provide ng kasiyahan sa tao ay ang komiks.

Show comments