Hindi ko na inabutan ang pagdating kahapon nina Imee at Bongbong Marcos sa Manila Cathedral dahil umalis na ako pagkatapos ng 12:00 noon mass.
Nagpapasalamat ako kay dating DSWD Secretary Dinky Soliman dahil siya ang nag-asikaso sa akin at sa mga kasama ko nang pumasok kami sa Manila Cathedral para makiramay sa mga naulila ni President Cory Aquino.
Pinuntahan ko sa front row seat ang magkapatid na Ballsy at Pinky, pati na ang kanilang mga asawa at anak. Wala pa si Kris Aquino nang dumating ako.
Inihinto muna ang public viewing para sa misa. Nakinig muna ako ng misa bago ako umalis sa Manila Cathedral.
* * *
Parang natutulog ang itsura ni Mama Cory nang tingnan ko. Wala sa kanyang itsura na nahirapan siya sa colon cancer.
Maraming tao sa loob ng simbahan pero mapayapa ang ambience. Feel na feel ko ang respeto ng lahat kay Mama Cory.
Totoo ang kuwento ng mga news reporter at TV crew. Alagang-alaga sila ng mga in-charge sa burol. Nakita ko sa left side ng Manila Cathedral ang napakaraming pagkain na available sa mga nakikiramay.
* * *
Ang ganda-ganda ng necrological services para kay Mama Cory. Gaya ng palagi kong sinasabi, manhid na lang ang puso ng hindi na-touch sa mga tribute kay Mama Cory.
Ngayon ang libing ni Mama Cory. Hindi ako magtataka kung abutin nang hapon ang paglilibing sa kanya sa Manila Memorial Park dahil siguradong marami ang makikipaglibing.
Tama lang na ginawang holiday ang araw ng libing ni Mama Cory dahil isa siyang national treasure.
* * *
Hindi ko napanood ang Wowowee noong Lunes kaya hindi ko alam ang mga siney ni Willie Revillame na ikinagagalit ng madlang-people. Basta ang sabi sa akin, mapapanood daw sa Youtube ang video clip ng pagtataray ni Willie.
Nalaman ko lang ang insidente nang tumawag sa akin si Papa Joey de Leon. Nagagalit siya sa mga sinabi ni Willie tungkol sa live coverage ng paglilipat sa body ni Mama Cory sa Manila Cathedral.
Abangan n’yo ang Startalk sa Sabado dahil mukhang hindi mapipigilan si Papa Joey sa pagsasalita laban kay Willie.
* * *
Dahil sa pagbisita ko sa burol ni Mama Cory, narating ko na rin sa wakas ang La Cocina de Tita Moning.
Ang La Cocina de Tita Moning ang restaurant sa San Rafael St. na dinarayo, hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati ng mga turista.
Malapit sa Malacanang Palace ang restaurant at totoo ang tsismis na masasarap ang pagkain at mababait ang mga staff.
Apo ni Tita Moning ang rock star na si Mig Ayesa na sumikat nang sumali siya sa Rockstar : INXS.
Maraming painting at mga litrato na naka-display sa bahay ni Tita Moning. Naloka ako nang malaman ko na sina Juan Luna, Hidalgo at Zalameda ang mga painter ng mga painting na nakita ko. Milyones na ang halaga ng mga painting pero parang wala lang na naka-display ito sa house of Tita Moning.