Sam at Derek may kumpetisyon

Undoubtedly, may silent war na nagaganap sa ABS-CBN sa pagitan nina Sam Milby at Derek Ramsey, dalawa sa pinaka-abalang bituing lalaki ng network.

Maaring hindi pa feel ng dalawa ang pagsasabong sa kanila dahil hindi pa naman sila nagtatagpo head on sa anumang proyekto pero, soon, magsisimula na ang init, at kung sino sa kanila ang mapapaso, ‘yun ang inaabangan ng the likes of Piolo Pascual and John Lloyd Cruz, and even Gerald Anderson and Jake Cuenca. Sino sa dalawa ang makakasama sa kanilang liga. Ang masama ay kung masapawan pa sila ng dalawa. Sa ngayon, both Sam and Derek have a war to win.

Parehong may malakas na following ang dalawang aktor. Parehong career path ang tinatahak nila. Highly rated din ang magkahiwalay nilang serye na magkasunod na napapanood gabi-gabi sa ABS CBN, ang Only You ni Sam with Angel Locsin and Diether Ocampo at ang The Wedding ni Derek kasama sina Anne Curtis at Zanjoe Marudo.  

Both are starring in movies na tinatayang maglalagay sa kanila sa posisyon na inaabangan ng marami. Kung sino sa kanila ang mauuna at sino ang mahuhuli ang malalaman sa pagpapalabas ng And I Love You So na kung saan maghaharap sila head on.

Hindi lamang si Bea Alonzo minus her perennial loveteam ang haharap sa malaking pagsubok kundi maging sina Sam and Derek.

Kaninong role ang bibigyan ng simpatiya at hahangaan ng manonood? Your guess is as good as mine.

* * *

Naging bida si Melanie Marquez sa ginanap na pagdiriwang ng Disability Month nung huling araw ng Hulyo kung saan sinarhan ang Kahabaan ng Roces Ave. sa Quezon City para sa isang buong araw na street celebration.

Nagkaroon ng isang masayang pagdiriwang ang mahigit sa dalawang libong kabataang may kapansanan (bulag, pipi, bingi, autistic, mentally retarded, may down syndrome, cerebral palsy at iba pa) kasama ang kanilang pamilya at mga mag-aaral sa maraming elementarya at high school sa QC at mga schools for special children.

Si Melanie ang nag-cut ng ribbon na pormal na nagbukas sa kasayahan. Sa mga hindi nakakaalam may dalawang anak na may kapansanan ang dating Miss International kaya naging advocate ng mga causes for People With Disa­bilities (PWDs). Nakasama niya sa ribbon cutting ang mga opisyales ng DOLE NCR, Barangay Paligsahan na nakakasakop ng Roces Ave. at mga lokal na opisyales ng lungsod. Sinuportahan din si Melanie ng Psalmstre, ang kumpanya na gumagawa ng New Placenta, mga produkto na iniendorso niya at nagtataglay ng kanyang mukha sa lahat nitong produkto. Bukod sa pagdalo ng presidente ng kumpanya na si Jim Acosta sa pagdiriwang, may booth din ang Psalmstre na kung saan makakabili ng lahat nitong produkto.

Nagkaroon ng programang musikal sa umaga, dun mismo sa kalye. Nagsayaw at kumanta ang mga piling mag-aaral sa QC. Ganoon din ang mga may kapansanan.

Sa hapon nagkaroon ng maraming palaro at pa-raffle. Sa halagang P20, magagandang premyo mula sa Helpwork at STEAM Foundation ang napa­nalu­nan.

* * *

Nabigyan ng kinakailangang shot in the arm ang mga taga-industriya ng pelikulang lokal dahil naaprubahan na ang panukalang batas ni Senador Bong Revilla na nagpapababa ng amusement tax, mula 20% to 10%, na matagal nang nagpapahirap sa mga taga-pelikula.

 Inaasahang magbibigay sigla ito sa industriya na matagal nang naghihingalo.

* * *

Nakikiramay ako sa mga naiwan ng dating Pangulong Cory Aquino na namatay kahapon ng 3:18 ng umaga sa Makati Medical Center dahil sa cardiac respiratory arrest. Matagal naratay sa ospital ang dating pangulo dahil sa sakit na colon cancer.

Bago ito, nagkaroon ng malawakang pagdarasal ang buong bansa maging sa ibang bansa para sa paggaling ni Gng. Aquino.

* * *

May mga kabanata palang hindi pa nabubunyag tungkol kay Jolina Magdangal na bubulatlatin ng Showbiz Central ngayong hapon. Ganundin kay Carla Abellana na makikilala pa ng lubos sa nasabing programa. Magustuhan kaya ng mga tagasubaybay ng local movies ang malalaman nila tungkol sa bagong artista? Abangan.


Show comments