Gerald malinis ang hitsura

Habang sinusulat namin ito, nakatanggap kami ng text message mula kay ABS-CBN executive Deo Endrinal na pumanaw na si Mrs. Corazon Aquino at 3:18 ng umaga sa Makati Medical Center dahil sa cardio respiratory arrest sa edad na 76.

Ito ay matapos ang samu’t saring balita tungkol sa kalagayan ng dating pangulo. Ilang araw bago pu­manaw si Mrs. Aquino, lumabas ang balitang guma­­ganda ang kalagayan nito. Hanggang sa ka­hapon ay sumakabilang-buhay na ito.

Marami ang nalulungkot sa pagpanaw ng isang icon ng democracy. Dahil sa pagkakaluklok ni Mrs. Aquino sa pagkapangulo, bumalik ang demokrasya sa bansa. At naging inspirasyon pa siya ng ibang lider para sa demokrasya sa kani-kanilang bansa.

Kami man ay may mga ‘di malilimutang en­counters with Mrs. Aquino. Di namin malilimutan nang anyayahan kami ni Kris Aquino sa kanilang bahay sa Times Street sa West Avenue.

Isa ring ‘di malilimutang katangian ni Mrs. Aquino ay ang kanyang pagiging madasalin. Nawa’y magsilbing inspirasyon si Mrs. Aquino sa ibang lider ng bansa na maging madasalin para gabayan sila na kanilang pagsisilbi sa bayan.

Ang aming pakikiramay sa pamilyang iniwanan ni Mrs. Aquino.

* * *

Pinarangalan ni Jericho Rosales ang mga baya­ning manggagawa ng ating bansa sa pama­ma­gitan ng kauna-unahang Extra Joss Gintong Kamao Award.

Ang mga pinarangalan ni Jericho at ng Extra Joss ay sina Fulgencio Lanuzo, isang mekaniko sa Mandaluyong na nakapag-patapos ng kanyang anak na may B.S. Computer Science degree na ngayon; si Danilo Matienzo, isang tricycle driver sa Pasig na nakapag-patapos ng kanyang anak sa kursong B.S. Psychology; at Rodelio Torres, isang tindero ng niyog sa Malabon na nakapag-patapos ng anak sa kursong B.S. Computer Science.

Sila ay ginawaran ng Extra Joss Gintong Kamao para sa kanilang walang-kapagurang pagsisikap at tiyaga na maitaguyod ang kanilang mga pamilya at makapag-patapos ng kanilang mga anak sa pag-aaral.

Si Jericho, na minsang naging tindero ng isda sa Concepcion Market ng Marikina, ay masaya sa pagbibigay pugay sa mga working class heroes.

 “Kayang-kaya nating maabot ang ating mga pangarap sa pamamagitan ng sikap, tiyaga, at ekstrang lakas. These men make me proud that I too, belong to the working class,” sabi ni Jericho.

Ang bawat Extra Joss Gintong Kamao Awardee ay tatanggap ng premyo na nagkakahalaga ng halos Php500,000.00. Kasama rito ay Php100,000.00 cash, isang trophy, at certificate of recognition. Makakatanggap din sila ng trolley cart business mula sa Extra Joss, kabuhayan makeover, may appliance Christmas shopping spree at life insurance benefits pa.

* * *

Isang clean and shaven Gerald Anderson ang humarap sa press para sa presscon ng Agimat : Ang Mga Alamat Ni Ramon Revilla kung saan siya ang gaganap bilang Tiagong Akyat. Kumpara sa look na nakikita sa kanya sa Tayong Dalawa, malinis ang look ni Gerald sa Tiagong Akyat. Pinagpiyestahan ng press ang kaguwapuhan ni Gerald during the question and answer.

Kaabang-abang ang naging reaksiyon ni Gerald sa reaksiyon ng mga tagahanga nila ni Kim Chiu ngayong kumpirmado na hindi si Kim ang makakasama niya sa nasabing project.

“Alam kong magwawala sila,” pahayag ni Gerald. “Ganun naman silang magmahal sa amin ni Kim. Kaya nga may pakiusap ako sa kanila na maunawaan nila ang mga pangyayari. May mga pagkakataon na may mga projects kami ni Kim na hindi kami magkasama.

“Si Kim naman is doing a movie without me. At ako, solo ako rito sa Tiagong Akyat. Kaya sana, suportahan pa rin nila kami sa iba’t ibang projects na di kami magkasama,” lahad pa ni Gerald.

Sa Tiagong Akyat, dalawa ang gaganap na mahuhumaling kay Gerald, sina Erich Gonzales at Max Eigenmann. Pero ang balita namin, minor role lang ang gagampanan ni Erich.

In the same presscon, inamin ni Gerald na may inihahanda nang isang bagong TV show na pagsasamahan nila ni Kim. At isang movie under Star Cinema na pagbibidahan nila.

Show comments