Inamin ni Gerald Anderson na naninibago siya na for the first time ay hindi si Kim Chiu ang kapareha niya sa Tiagong Akyat, Mga Alamat ni Ramon Revilla, isa sa apat na pelikula ni Ramon Revilla na isinalin sa telebisyon.
“Siguradong magwawala ang mga Kimeralds (isang grupo ng mga panatikong tagahanga nila ng ka-loveteam niyang si Kim) dahil mahal nila kami. Kami lamang ni Kim ang gusto nilang magkasama. Bahagi ito ng growth namin ni Kim bilang artista kaya sana suportahan din nila kahit hindi kami magkasama. Sana andidyan pa rin sila,” dasal niya.
Bukod sa mapapasabak siya sa aksiyon sa serye kung kaya nagti-training siya sa Parkour, isang athletic discipline, isang art of moving using only his body, meron ding kissing scene si Gerald kay Erich Gonzales.
Nilinaw ng aktor na hindi totoong ni-request niya na makapareha si Erich, ito ay desisyon ng management. During the presscon for the serye, binanggit niya ang pangalan ng dalaga na isa sa mga gusto niyang makapareha. Kaya ipinalagay ng marami na may saloobin siya sa batang aktres na itinanggi niya.
Bagaman at nagsimula siyang mag-aksyon sa Tayong Dalawa, sinabi ni Gerald na malaki ang pagkakaiba ng dalawa niyang role na JR Garcia at Santiago Ronquillo o Tiagong Akyat.
“Bilang sundalo, masyadong seryoso si JR at malalim, pero si Tiago ay makulit, may pagka-komedyante. At dahil pambata, ibang atake ang gagawin ko sa character niya,” sabi ng aktor na isang magnanakaw sa serye, pero lahat ng ninanakaw niya ay ang mga mahihirap ang nabibiyayaan.
Palabas na ang Agimat: Mga Alamat ni Ramon Revilla Presents Tiagong Akyat sa Agosto 15 sa direksyon ni Dondon Santos.
* * *
Pulang-pula si Ryan Eigenmann habang pinupuri siya ng maraming press people sa presscon ng Agimat dahil sa anila ay nagawa niyang agawan ng eksena ang magaling na aktor na si Richard Gomez sa indie film na Bente.
“Hindi ‘yon totoo. Kung sakali man, hindi ko sinasadya,” paliwanag ng isa sa pinaka-magaling na anak nina Michael de Mesa at Gina Alajar.
Bukod sa kanya ay may isa pa rin siyang pinsan na kasama sa cast ng sisimulang serye, si Max Eigenmann na gumaganap naman bilang kapatid ni Danilo Barrios na kakosa ni Ryan sa kulungan.
* * *
Masayang nagbabalik-ABS CBN si Joseph Bitangcol na akala ng lahat ay isa nang Kapuso. Ipinaliwanag niya na pansamantala ay naging freelancer siya kaya nakapag-guest sa kabila pero nagpasyang bumalik sa kanyang home studio dahil hindi raw siya mabigyan ng break sa Siyete dahil hindi siya homegrown talent dito. Kasama rin siya sa Agimat.
* * *
Matapang din naman si Cristine Reyes. Pumirma siyang muli ng kontrata sa ABS-CBN matapos na makalaban ang ilang sa mga artistang nakasama niya sa Banana Split. Paano kaya kung magkita-kita silang muli?
Tanggap ni Cristine na magkikita silang muli dahil iisang lugar lamang ang pagtatrabahuhan nila, pero sabi niya dapat ay maka-move na silang lahat at hindi na balikan pa ang nakaraan. Sana nga.
Puputaktihin na naman nito si Dennis Trillo sa mga naging deklarasyon niya na wala nang pag-asa na magkakaroon sila ng balikan at dalawang buwan pa lamang silang hiwalay. Lagot kung mayroong mga niligawan si Dennis sa panahong ito!