Jayson natakot sa galit ni Boy Abunda

MANILA, Philippines - Muntikan na palang hindi ituloy ni Jayson Gainza ang kanyang paggaya kay Boy Abunda sa segment na NNNN ng Banana Split matapos marinig ang ilang pasaring mula sa batikang TV host ilang linggo matapos itong umere sa telebisyon.

“Kinabahan talaga ako at sinabi ko sa production manager namin na kapag nagalit si Tito Boy ay hindi ko na gagawin yun kahit pilitin pa nila ako kasi useless din.

“Paano matutuwa yung viewers natin kung yung mismong ginagaya ko eh hindi natutuwa sa akin, hindi ba?” sabi ni Jayson.

Buti na lamang at nalinaw din kaagad ang isyu at nakumpirmang nagbibiro lamang pala si Boy. Sa katunayan ay tuwang-tuwa pa siya sa ginaga­wang panggagaya ni Jayson at gayundin si Kris Aquino sa panggagaya sa kanya ni Angelica Panganiban.

“Gumaan talaga yung loob namin ni Jayson and nakaka-flatter din dahil nga nalaman naming sinusuportahan pala kami nina Tito Boy at Ate Kris,” pahayag naman ni Angelica.

Isa ang NNNN sa pinakapinapanood at pinakakilalang segment ng comedy show na Banana Split. Kaya naman sa pagpasok ng ika-apat na season ng programa, mas lalo pa itong pag-iibayuhin para magbigay sa inyo ng mas hitik na katatawanan tuwing Sabado ng gabi.

Mas pinatindi rin ang segment na Brod, Bro, Bru (kung saan nagbibigay ng tatlong iba’t ibang terminolohiyang para sa isang salita) dahil mismong sina Jayson, John Prats, at Zanjoe Marudo ang mag-iisip ng kanilang sasabihin on-the-spot sa loob ng ilang segundo lamang.

 Simula ng ilunsad ang bagong Banana Split barkada noong Abril, umani ng mas maraming papuri at mas nakakuha ng mataas na ratings ang programa. Mula sa orihinal na konsepto ng all-female gag show na kinatatampukan ni Angelica kasama sina RR Enriquez at Princess Ryan, pumasok sina Zanjoe, John, Jayson, Pooh at Pokwang para magbigay ng bagong panlasa sa mga manonood.

Huwag palalampasin ang mas pinasarap pang Banana Split tuwing Sabado pagkatapos ng XXX sa ABS-CBN.

Show comments