Nakikidalamhati ako sa sinapit ni Darius Razon nang pasukin ng mga magnanakaw ang kanyang bahay na kung saan ay kasama niyang naninirahan ang dalawang apo at kasambahay. Nakunan din siya ng mahahalagang gamit at pera.
Ipinagpapasalamat na lamang niya na kahit nakatanggap siya ng lupit sa kamay ng mga masasamang loob ay hindi nila sinaktan ang kanyang mga apo.
Nagdadalamhati na naman ang singer dahil ikatlong trahedya na ito sa kanyang buhay. Nung 1992 ay namatay sa sunog ang kanyang anak na babae. Tatlong taon pa lamang ang nakakaraan nang mamatay naman sa aksidente ang kanyang anak na lalaki na nag-aartista din. Tapos ngayon, itong naganap na nakawan sa kanyang bahay.
Darius, huwag ka lamang makakalimot sa Diyos. Hindi ka niya bibigyan ng pagsubok na hindi mo makakayanan. Huwag mong ilalagay sa isip mo na may pinagbabayaran ka gayong wala ka namang maisip na pinagkasalahan mo. Maging matapang ka para sa iyong mga apo. At sobrang pag-iingat ang gawin mo.
* * *
Kita mo nga naman at nagdidirek na si Bianca King. Ito naman ang matagal na niyang pangarap kaya pinaghandaan niya ito. Pinag-aralan niya ito. Ngayong dumating na ang chance for her, hindi na siya mag-iisip pa ng gagawin. Ang gagawin na lamang niya ay pagbutihin ito. At sino ang makapagsasabi, baka maging Laurice Guillen siya in the future o Marilou Abaya o Joyce Bernal kaya.
* * *
Ano ba naman tayo, napakarurumi ng isip natin. Nakita lang nating kumakain ng mangga’t bagoong si Regine Velasquez, inisip agad natin na buntis siya. Buti na lang hindi siya pikon. Sinabi na lamang niya nang may magtanong na mahilig talaga siya sa mangga’t bagoong na sinusugan naman ni Ogie Alcasid. Hay naku!
* * *
Naaawa rin ako kina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo. Tatatlong buwan pa lamang sila nakakasal eh agad, pinipilit na silang magka-anak. Tuloy nauudlot.
Hayaan natin silang mag-enjoy muna na silang dalawa lamang. Pag nagsimula nang dumating ang mga anak, lalo’t sunud-sunod eh, matatali na silang dalawa sa pagiging magulang.
Bagaman at walang masama rito, katunayan, ang pagiging magulang ang pinaka-maligayang bahagi ng buhay ng mag-asawa, hayaan muna natin silang tuluyang maihanda ang kanilang mga sarili sa bagong roles na tatahakin nila, una bilang mag-asawa at later on, bilang mga magulang.