Mama Salve, sanay na ako na maraming tao ang nakapaligid kay Manny Pacquiao pero na-shock pa rin ako nang dalawin ko ang first taping day ng Show Me The Manny.
Ang dami-daming tao sa set ng bagong sitcom ng GMA 7. Mga kasama sila ni Manny dahil pamilyar sa akin ang mga itsura nila.
Parang piyesta ang taping ng Show Me The Manny dahil nag-show up ang lahat ng mga amigo ni Manny.
Ganito rin ang eksena sa condo ni Manny sa LA. Punum-puno raw ng tao ang condo unit ni Manny, lalo na kung nananalo siya sa kanyang mga laban.
Wala na raw privacy si Manny at ang kanyang pamilya dahil paroo’t-parito ang mga tao na bumibisita sa kanya. Ito raw ang dahilan kaya bumili sina Manny at Jinkee ng bahay sa La Brea area sa Los Angeles para magkaroon sila ng privacy.
* * *
Gusto raw ng tatay ni Nomar Pardo na magpainterbyu sa mga newspaper reporter pero wala siyang kilala.
Si Nomar ang personal assistant ni Richard Gutierrez na namatay sa aksidente noong May 22, 2009.
Nagkataon naman na thanksgiving party at farewell ang Zorro noong Sabado kaya nainterbyu si Richard ng mga reporter. Nakausap din ng entertainment press sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez.
Type daw ng tatay ni Nomar na sagutin ang mga sinabi ng Gutierrez family sa presscon ng Zorro pero wala nga siyang access sa entertainment press.
* * *
Ang mag-anak na Gomez ang mga endorser ng Birch Tree Milk. Kahapon ang pa-presscon ng Birch Tree para kina Richard Gomez, Lucy Torres at sa kanilang anak na si Juliana.
Alam n’yo ba kung sino ang may-ari ng Birch Tree sa bansa? Ang pamilya ni Nanette Medved! Ang asawa ni Nanette ang big boss at may-ari ng Birch Tree, Angel Milk, Century Tuna at kung anik-anik pa na mga produkto.
Kung ako naman ang nasa lugar ni Nanette, talagang hihinto na ako sa pag-aartista dahil napakaganda na ng takbo ng buhay niya.
Marami ang kumukuha kay Nanette para sa TV commercial pero tinatanggihan niya. Kuntento na siya na maging housewife at ina ng dalawang cute na anak nila ng kanyang asawa. Napakasuwerte ni Nanette. Hindi siya katulad ng ibang artista na napariwara ang buhay.
* * *
Napaka-propesyonal ng Gomez family ‘ha? Maaga silang dumating sa presscon kahapon.
Eleven thirty a.m. ang call time at dumating sila ng eksaktong 11:30 am.
Hindi sila katulad ng ibang artista na palaging late kung dumating sa sariling presscon. Ikinaloloka ng mga reporter ang mga presscon na 12:00 noon ang calltime pero dumarating ng 3:00 p.m. ang artista. Hindi makatarungan ‘yon kaya nilalayasan nila ang presscon, lalo na ang mga entertainment editor na palaging may mga hinahabol na deadline.
* * *
Nasa Amerika pa rin si German Moreno at ang kanyang pamangkin na si John Nite. Nabalitaan ko na nagkita na raw sina Kuya Germs at Nora Aunor sa California.
Nainterbyu na ni Kuya Germs ang kanyang favorite actress at siyempre, mapapanood sa Walang Tulugan ang kanilang interbyuhan portion.
Hindi pa nawawala ang pag-asa ni Kuya Germs na makababalik sa dating posisyon ang superstar pero mangyayari lamang ito kung magiging cooperative si Nora.