Santino 'nakikialam' sa matatanda

Patuloy sa pagtatagumpay ang May Bukas Pa na nagtatampok sa isang batang artista na tinatawag na bagong Niño Muhlach. For months now, simula nang umere ang serye ay parang ang lahat ng manonood sa TV ay gustong makita si Zaijian Jaranilla na mas tinatawag ngayon sa pangalan ng character niya sa serye na Santino. Marami ang naniniwalang tunay nga siyang kaibigan ni Bro at nakapagpapagaling siya ng mga may sakit at nakakatulong sa maraming problema kasama na ang emosyonal sa tulong Niya.

Pakiusap ko lang sa mga sumusulat ng mga istorya na itinatampok sa serye - ilagay si Santino sa dapat niyang kalagyan. Huwag siyang masyadong nakikialam sa usapan ng mga matatanda, at maging ng mga pari, lalo na sa mga bagay na dapat ay hindi pa naiintindihan ng mga bata. Sa bagay na ito kasi ay nawawala ‘yung kaugaliang Pilipino na kinalakhan ng marami sa atin, na hindi dapat sumasabat o nakikialam ang bata sa usapan ng matatanda.

Lumilihis ito sa kagandahang asal na lagi nating itinatatak sa isipan ng mga bata. A little older child, perhaps, can give his two cents worth, sa ilang problema sa buhay pero hindi ang isang batang nasa edad ni Santino.

As a whole, inspiring ang mga istorya ng May Bukas Pa na ang theme song ay mas gumanda pa sa bagong bersyon ni Erik Santos.

* * *

Kung totoong lahat ng sinabi ni President Gloria Macapagal- Arroyo sa kanyang SONA, hats off ako sa kanya. Marami sa mga sinabi niya were backed up by data. May mga pruweba siya. Sayang at hindi ito narinig ng marami niyang kritiko na nagpas­yang mag-ingay na lamang sa halip na pakinggan ang sinasabi nilang “kasinungalingan” niya. Malaki ang maitutulong ng kanyang SONA sa ginagawa ng tao na pamimili ng mga karapat-dapat na kandidato sa 2010.

Kritiko rin ako ng pangulo at ng maraming nagpa­patakbo ng gobyerno pero bukas ang aking mga mata sa maraming pagbabago na sinabi niya kaso hindi ko nararamdaman at ng maraming tao dahil marami pa rin ang walang trabaho, ang hindi kumakain ng tatlong beses maghapon, at nakatira lamang sa ilalim ng tulay, sa gilid ng mga gusali, lalo’t sa mga araw na walang pasok, ang mga hindi nakakapagpatuloy ng high school at hanggang elementarya lamang ang inaabot.

Matagal pa ang eleksiyon. Inaasahan ko na marami pa ang magagawa ni PGMA. Wala pang isang araw na nakakatapos siya ng SONA pero tumaas na naman ang presyo ng langis. Ito man lamang ang masolusyunan niya, malaking bagay na sa maraming tao.

* * *

Masisisi ba natin si Diether Ocampo kung maging proud siya sa kanyang bagong girlfriend na si Rima Otswani eh napaka-supportive nito sa kanya bukod pa sa ang ganda-ganda nito? Taglay din ng dalaga ang katangian ng isang hinahasang maging ambassadress, matalino, palaging nakangiti at madaling lapitan.

Sa kabila ng mataas niyang pinag-aralan ay hindi ka mahihiyang lapitan siya dahil sa mga katangian niyang nabanggit. Magiging malaki siyang tulong kay Diether kung sakaling pasukin din nito ang pulitika balang araw.

Show comments