Nora Aunor pina-plantsa na ang pagbabalik-'Pinas; Juday nag-prisintang mag-cater sa kasal nina Ogie at Regine

Pagbabalik ko ng Pilipinas, ang dami kong maikukuwento tungkol kay Nora Aunor. Nagkita na kami at nagkausap at tuloy ang binabalak niyang concert na tinatawag niyang reunion ng TV show na Superstar dahil pareho kaming napanood ng matagal sa naturang TV show na pinrodyus ni Kitchie Benedicto para sa Channel 9.

Gusto pa rin niyang makasama ang dalawang lalaki na naging mahalagang bahagi ng kanyang buhay, sina Tirso Cruz III at Christopher de Leon. Inaantabayanan na ito ng maraming Pilipino sa US. Balak ni Guy na ipalabas ito sa Los Angeles, San Francisco at Las Vegas. Kinukumpleto lang namin ang mga detalye para pagbabalik ko sa unang linggo ng Agosto ay magawa ko nang kausapin ang dalawang aktor. Pero kung si Guy ang masusunod, gusto niyang umuwi rito para makipag-usap sa mga kinauukulan.

Marami na rin siyang mga kaibigan sa press na nakausap at sinabihan na uuwi siya. Siyempre, lahat sila ay excited na malaman, first hand, ang kalagayan at naging buhay niya sa Amerika.

Hintay-hintay na lang kayo.

* * *

Talagang magkaribal nga sina Nora Aunor at Vilma Santos. Kung kailan may balita kay Guy na babalik na siya ng bansa, nasa news din ang karibal niyang si Vilma na bukod sa nagbabalik sa paggawa niya ng pelikula sa Star Cinema ay isang buwan ding mapapanood sa telebisyon, siguro bilang promo ng kanyang movie na magtatampok sa kanya at sa anak niyang si Luis Manzano at kay John Lloyd Cruz.

Ang bentahe lamang ni Vilma, nagiging mas maganda siya sa paningin ng Pilipino dahil sa maganda niyang ginagawa bilang isang public servant. Taliwas siya sa karaniwang imahe ng isang lokal na pulitiko na kulang sa gawa at pagpapayaman lamang ang hinaharap. Isang malaking plus factor din niya ‘yung pagtanggi niyang mag-seek ng higher office ganung kayang-kaya niyang ipanalo ang puwesto na ito.

She’d rather be of service to her kababayan in Batangas.

* * *

Capable na palang mag-cater si Judy Ann Santos ng isang banquet na katulad ng wedding? Narinig ko na nagprisinta itong mag-cater sa kasal nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez?

Aba, at talaga palang pakikinabangan na ni Juday ang kanyang culinary talent. Kababasa ko lamang na nakapasa siya sa test na ibinigay ng TESDA para sa mga tulad niyang nag-avail ng kanilang mga special classes.

Para ko nang nakikinita na magiging successful din dito ang magaling na aktres. Well, that’s Juday for you, a multi-talented person.

Show comments