Rhian nagkapasa-pasa sa fight scenes
Mabuti na lamang at matatapos na ang Zorro in two weeks time. Isang taping day na lamang at matatapos na ang trabaho ni Rhian Ramos para rito. Sa dami nga ng kanyang trabaho ay hindi niya magawang malungkot dahil naging maganda ang pagtatrabaho nila ng mga nakasama niyang artista at maging ng production staff. Idagdag mo pa ang ganda ng lugar na ginamit nilang location, talaga ngang mami-miss niya ang Zorro kapag nagtapos na ito sa ere.
Nagsisimula na si Rhian ng kanyang bagong teleserye, pero bawal pa siyang magbigay ng detalye tungkol dito. Hindi pa rin siya tapos ng kanyang trabaho sa Panday, pang-Metro Manila Film Festival ng GMA Films at Imus Productions. Hindi sila ni Bong Revilla ang magka-love interest sa movie, si Iza Calzado ang katambal ni Bong pero may love na involved sa kanilang dalawa. Ang character ni Rhian ay naghahanap ng isang iidolohin at si Panday ang obvious choice niya.
“Aksyon na aksyon ang dating ko sa movie, ang dami kong fight scenes, eto nga at ang dami kong pasa,” sabay pakita sa mga nangingitim na bahagi ng kanyang mga braso. Marami pa rin daw sa likod.
“Parang Lord of the Rings ang dating ng movie, maraming elemento dito na hindi natin nakikita sa tunay na buhay.
“Bong is fun to work with. Ganun din si Kuya Ipe (Phillip Salvador). Sila ang bida at kontrabida sa movie, mortal na magkaaway, pero behind the cameras, wala silang ginawa kundi mag-alaskahan nang mag-alaskahan,” imporma ni Rhian.
Sa kanyang mga huling episodes sa Zorro, magpapamalas siya ng galing sa pagsasalita ng Espanyol. Si Lollie Mara ang nagturo sa kanya. Kakailanganin niyang mahasa sa lenggwaheng ito dahil aalis na siya, pupunta ng Espanya, iiwan na sina Antonio at Zorro.
Pero matuloy kaya siya? Alamin sa huling dalawang linggo ng serye.
* * *
Marami ang nag-akala na magkasabay na inalis ang magkaparehang Jose Manalo at Wally Bayola sa Eat Bulaga. Noong una si Wally lamang ang nawawala pero nang malaunan, pati na si Jose, wala na rin.
Si Jose, hinaharap pala ang kaso nila ng kanyang asawa. Abala siya sa pagharap sa hearing para rito.
Pero si Wally, naoperahan ang paa na na-fracture sa shooting ng pelikula niya with Bossing Vic Sotto, ang Love On Line na kung saan siya ang bagong sidekick nito. Matutuwa ang kanyang mga tagahanga at followers na makakabalik na siya ng Eat Bulaga.
* * *
Isang buong araw na street celebration ang magaganap sa Roces Ave., Quezon City, sa July 31, Biyernes bilang selebrasyon ng Disability Month. Ito ay magkakatulong na itataguyod ng QC government sa pamamagitan ng Sikap Buhay Entrepreneurship and Cooperative Office (SBECO), Barangay Paligsahan, Department of Labor and Employment (DOLE) NCR, QC Field Office, STEAM Foundation, Helpwork, Inc. at Jollibee Roces Ave.
Ang simple pero makabuluhang pagdiriwang na dadaluhan ng mga kabataang may kapansanan, kababaihan, at ng kanilang mga pamilya, service providers, and the public in general. Magsisimula ang kasayahan sa ganap na ika-6 a.m. Magkakaroon ng mga booths showcasing products, business seminars, awarding of PWD (People with Disabilities), friendly establishments, games, exhibits, paintings at sign language tutorial.
Sa ika-9:30 a.m., gaganapin ang ribbon-cutting ceremony sa corner ng Roces Ave. at Quezon Ave. bilang pormal na hudyat ng pagsisimula ng street celebration sa Roces Ave.
- Latest