Biyuda ng namatay na P.A. kinasuhan si Richard

MANILA, Philippines - Kinasuhan ang aktor na si Richard Gutierrez ng reckless impru­dence ng asawa ng dating bodyguard at personal assistant na nasawi sa car crash noong May 22 sa Silang, Cavite.

Ang kaso ay isinampa ni Lorayne Pardo, 29, na nakatira sa 1763 F.B. Harrison St., Pasay City, ang biyuda ng yumaong personal assistant ng aktor, si Nomar Pardo.

Kinumpirma naman ang demanda ni Annabelle Rama, ang ina ni Richard at pinagdududahan niya na may ilang taong nagtulak para gawin ito ng biyuda ni Nomar.

Ayon sa opisina ng fiscal ng Imus, personal na nag-demanda ang misis ng kasong kriminal na reckless imprudence resulting in homicide laban kay Richard, 25, na nakatira sa Mckinley St., Makati City.

Matatandaan na naaksidente ang sports car (plate no. ZTU 775) na minamaneho ng aktor sakay ang assistant at bodyguard. Total wreck ang sasakyan na nahulog sa bangin sa Cavite. Patay agad ang kasamang si Nomar at tumilapon naman si Richard at isa pang kasama pero himalang nabuhay.

Itinakda ang preliminary hearing sa Agosto 15 sa Prosecutor’s Office sa Imus, Cavite.

Nauna nang naibalita na humihingi ang nabalo ng malaking halaga mula sa mga Gutierrrez para sa edu­kasyon ng mga anak ni Pardo pero hindi raw ito naibigay ng pamilya Gutierrez.

Buwelta naman ni Lorayne, wala itong katoto­hanan. Nitong mga huling araw daw kasi ay lagi niyang napapanaginipan ang asawa kaya napagtanto niyang hindi naging maingat si Richard sa pagmamaneho nito.

At ang pinakamasakit, aniya, “ni sorry o ni singko, wala kong natatanggap mula sa kanila.”

Sinabi rin ng isang source na ilang beses nagtang­kang makipag-usap ang nabalo kay Richard pero hindi raw nangyari.

Show comments