Pang-apat na anak ni Michael Jackson ipapa-DNA test

MANILA, Philippines - Nakatakdang idaan sa DNA test ang sinasabing pang-apat at pinakalilihim na isa pang anak ng yumaong singer na si Michael Jackson.

Sinasabing ang Norwegian na si Omer Bhatti ay isang love child o produkto ng pakikipag-one-night stand ni Jacko sa isang babae noong 1984.

Isa rin sa mga dancers ni Jackson si Bhatti na may edad nang 25 anyos. Muling lumitaw ang mga ispekulasyon sa kanyang pagkatao nang mamataan siya sa first row katabi ng mga kapatid ng King of Pop sa isinagawang memorial service sa Los Angeles para sa namayapang singer.  

Tanging lantad sa publiko ang tatlong anak ni Jackson na sina Prince Michael, Prince Michael II at Paris Katherine bagama’t matagal ring tumira si Omer sa Neverland Ranch ni Jackson.

Dahil dito, magpapa-DNA test si Omer para matiyak na ama niya music icon.

Ginatungan din ng ina niyang si Pia na nakabase sa Oslo, Norway ang ispekulasyon nang sabihin nito sa panayam ng Sun na “Siya ang King of Pop. Pero para sa amin, mas higit pa siya roon.”

Samantala, muling lumantad kahapon sa telebisyon ang ama ni Michael Jackson na si Joe at sinabing ang doktor ng kanyang anak ang pumatay umano rito.

Ginawa ni Joe ang pahayag sa Larry King Live sa CNN sa pagsasabing may ibinigay si Dr. Conrad Murray kay Jacko na nakapagpatulog at hindi na nagpagising sa singer.

Ayon sa ulat ng Metro website, sinabi pa ng matandang Jackson na nakakapagtaka ang biglang pagkawala ni Murray matapos mamatay ang kanyang anak noong Hunyo 25 sa inuupahan nitong mansion sa Los Angeles.  

Show comments