Wholesome young actress naghuhubad na rin

May punto rin naman si Ka Freddie Aguilar para hilingin ngayon kina Charice Pempengco, Arnel Pineda, Gary Valenciano at iba pang mga Pilipino na nagkakapangalan na sa international scene na kumanta naman sila ng mga awiting Pilipino, ‘yung Tagalog. Isang paraan ito para makilala hindi lamang sila kundi maging ang bansa natin internationally.

Huwag na nating isipin kung totoo ngang inggit ang nag-udyok kay Ka Freddie na mag-comment tungkol sa kanila, ang mahalaga ay meron siyang ni-raise na isang mahalagang bagay na dapat nating pag-isipan.

Katulad din ng opinyon ko na dapat sa mga international beauty pageant ay palaganapin ang ating Wikang Pambansa sa halip na nagpipilit ang mga representative na ipinadadala natin sa Ingles, bakit hindi sila mag-Tagalog at humingi ng Tagalog translator (interpreter) during the question and answer portion?

Lea Salonga and even Billy Crawford could sing their songs in English pero hindi kaya mas bongga kung sa mga interviews sa kanila ay magta-Tagalog din sila? Just asking and wishing lang naman.

(Baka naman po hindi sila maintindihan ng kausap nila lalo na nga’t nasa ibang bansa sila. – SVA)

* * *

Aba at may sexy scene pala si Glaiza de Castro sa Astig, isang indie film na prinodyus ni Boy Abunda at kasama sa ipinalalabas sa ginaganap ngayong Cinemalaya Film Festival sa CCP.

Talagang nagpalit na ng image ang mahiyaing aktres na dati ay kuntento na sa pagiging isang anino lamang ni Angel Locsin pero ngayon ay wala ka nang makikita ni bakas man lang ng pagkakahawig nila ng ngayon ay isa nang Kapamilya star. Isang complete turn around ang ginawa ni Glaiza at ngayon, kinikilala na ang kanyang kakayahan at talento bilang aktres.

Marami ang pumupuri sa Astig, maganda raw ang pagkakagawa, kahit bago ang direktor na si GB Sampedro.

Bukod kay Glaiza na isang Kapuso, bida rin sa Astig si Dennis Trillo.

Nakatutuwang sa indie films lumiliit ang gap between the Kapuso and Kapamilya stars.

* * *

Isa pa ring young actress na unti-unti nang tumatanggap ng sexy roles ay si Krista Ranillo. Ang kaibahan ni Krista, at maging ni Glaiza sa mga nagpapa-sexy, hindi kailangang maghubad at makipag-laplapan, ang tema ng movies nila ang sexy, ang mature, hindi ang mga roles nila.

Tulad ng indie film na Marino, isang TNT na pokpok si Krista sa Bangkok. 

Meron ding lovescene sa movie si Krista na bagaman at mas seksi kesa sa mga ginawa na niya, sinabi niyang wala siyang choice kundi ang gawin ito dahil kailangan sa istorya.

* * *

Film producer na rin si Daniel Razon, ang matapang na broadcaster ng UNTV, pero mabait at may puso na tumutulong sa maraming nangangailangang Pinoy sa bansa.

Pero hindi katulad ng ibang indie films, hindi mapapanood sa mga commercial theaters ang pelikula niya na siya rin ang tampok na artista at ang direktor. Mapapanood lamang ang Isang Araw Lang sa mga piling sinehan at by invitation.

Pre-sold na ang mga tiket at ang kikitain dito ay mapupunta sa mga medical mission na isinasagawa ng UNTV at sa pagpapatakbo ng isang workers’ shelter.

Ang Isang Araw Lang ay kuwento ng isang jeepney driver at ang layunin niyang mabago o mapaganda kahit isang araw lamang ang buhay ng maraming tao.

Nagkaroon ang Isang Araw Lang ng isang matagumpay na screening nung July 19 sa Meralco Theater na susundan ng isa pang screening sa July 26 sa PICC.

Show comments