Iba ang kasama: Pia pinababayaan ni Vic na magbakasyon

Napaiyak si Dr. Vicki Belo nang magpunta siya sa Department of Justice (DOJ) noong Martes para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa pagdadawit sa kanyang pangalan sa sex video scandal ni Dr. Hayden Kho, Jr.

Napa-cry si Mama Vicki dahil nag-flashback sa kanya ang mga pagtataksil na ginawa ni Hayden.

Harinawang ang flashback ang makapagpa-realize kay Mama Vicki na hindi worth fighting or dying for si Hayden. Paniwalaan na niya ang mga payo ng mga tunay na nagmamahal sa kanya. Huwag na siyang magpabola kay Tweety Bird.

* * *

Parang pagod na pagod ang pakiramdam ko noong Martes, kahit dalawang event lang ang pinuntahan ko, ang burol ng uncle ni Alfred Vargas sa Dela Strada Chapel sa Katipunan Avenue, QC at ang presscon ng Love On Line sa Moomba sa Roces Avenue, Quezon City.

O baka epekto lang ‘yon ng trapik mula sa Katipunan hanggang sa Roces Avenue? Sobra ang trapik noong Martes na nakapagtataka dahil hindi naman rush hour.

Ipinaalaala sa akin ni Alfred ang premiere night mamaya ng Colorum sa Cultural Center of the Philippines.

Sinabi ko na kay Alfred na hindi ako makakarating dahil kasabay ng premiere showing ng Colorum ang padasal para kay Douglas Quijano.

Best friend ko si Douglas. Hindi ko pinangarap na magtampo siya sa akin kaya siguradong present ako mamaya.

Ang PAMI ang punong-abala sa padasal para kay Douglas at invited ang kanyang mga alaga, pati na ang pamilya at mga kaibigan niya.

* * *

Si Popoy Caritativo na ang manager ni Janice de Belen kaya na-sight siya sa presscon ng The Last Viewing noong Martes.

Comeback movie ni Janice ang The Last Viewing dahil 2004 pa nang huli siyang gumawa ng pelikula. Umapir si Janice sa remake ng Annie Batungbakal na tinampukan ni Jolina Magdangal dahil hindi niya mapahindian ang direktor na si Louie Ignacio.

Si Louie din kasi ang direktor ng SiS, ang morning show nina Gelli de Belen at Carmina Villaroel. Idinenay ni Janice sa presscon ng The Last Viewing ang tsismis na matsutsugi na ang SiS. Bakit nga naman tsutsugihin ang isang show na nagre-rate?

* * *

 Ang Kinatay pala ang dapat na opening film ng Cinemalaya pero tumanggi raw ang direktor na si Dante Mendoza na ipa-screen sa committee ang kanyang pelikula.

Si Dante ang direktor ng Kinatay at siya ang nag-win ng best director award sa 62nd Cannes Film Festival.

Hindi raw pumayag si Dante na ipa-screen sa mga organizers ng Cinemalaya ang kanyang pelikula dahil nag-win na raw ito ng award sa isang prestigious film festival kaya ang ending, ang Manila ni Piolo Pascual ang naging opening film ng Cinemalaya noong isang linggo.

Hindi na maabot si Dante huh!

* * *

May-I-confirm ni Vic Sotto na nagbabakasyon sa Thailand ang kanyang girlfriend na si Pia Guanio.

Kasama ni Pia sa pagrampa sa Bangkok ang kanyang friend na si Tim Yap. Pinapayagan ni Bossing si Pia na magbakasyon na hindi siya kasama dahil malaki ang tiwala niya sa kanyang dyowa.

Nagpahaging si Bossing sa presscon ng Love On Line na pinag-uusapan na nila ni Pia ang pagpapakasal kaya hindi na siya dapat i-link kay Paula Taylor, ang Thai girl na kapareha niya sa LOL. Mukhang si Pia na nga ang last girl sa buhay ni Bossing.

Show comments