Fan naimbyerna: KC nang-isnab

MANILA, Philippines - Imbiyerna ang isang fan sa naranasan niya kay KC Concepcion nang samahan nito si Piolo Pascual sa gala premiere ng Manila sa opening ng Cinemalaya Cinco noong Biyernes ng gabi sa Cultural Center of the Philippines.

Hindi niya akalaing isnabera raw pala si KC sa personal. Nang mamataan niya kasi ito, na-excite siyang tawagin agad na parang isang die hard fan. Tawag daw niya, “KC, KC!” Lumingon naman si KC pero hindi raw siya pinansin at binaling agad ang tingin sa iba.

Nagtatalak ang babaeng fan sa mga kaibigan niya. Inilabas ang sentimyento. Sabi naman ng mga kasama, “Baka hindi ka lang narinig.”

Sagot ng babae, “Anong hindi? Eh ako lang ang tumawag ng malakas sa kanya nung oras na yun tapos tumingin talaga siya sa akin. Pero isnabera nga. Mabuti pa ang nanay niya (Sharon Cuneta!)

 “Ano ba naman yung ngumiti siya at kumaway sandali? Bakit si Piolo, kahit sinong tumawag, nililingon at nakangiti. ’Pag sinabing pa-picture naman, nagpapa-picture siya.

 “Hindi ko na gusto ’yang si KC. Pa-sweet lang pala siya sa TV camera. Pupunta-punta siya ng premiere tapos ayaw niyang batiin siya?!”

Nanggagalaiti talaga ang babaeng fan na nagkukuwento sa mga kasama niya. Nakadagdag pa na ang kasama raw sa row nina Piolo at KC na si Erik Santos ay biglang hinila ang anak ng Megastar na para bang pinoprotek­tahan sa mob. Eh hindi naman daw dinu­dumog si KC. Iilan lang ang tumatawag ng pangalan niya sa loob ng Tanghalang Nicanor Abelardo.

Show comments