Katrina kinaiinisan na

Nagiging OA na si Katrina Halili at ang kanyang abogado sa issue ng sex scandal nila ni Hayden Kho.

True na noong una, nakuha niya ang simpatya ng marami. Pero habang tumatagal, nagsasanga-sanga na ang issue kaya naiinis na ang marami.

Bakit nga ba hindi na lang sila mag-concentrate sa issue kay Hayden na nag-video habang nagsi-sex sila noong mga panahong karelasyon ni Hayden - si Dra. Vicki Belo at habang siya (Katrina) ay endorser ng Belo Medical Group.

Hindi ba mas maiging doon niya ituon ang issue at bantayang maigi ang mga isinampa niyang demanda laban sa nakarelasyon niyang doctor?

Kamakalawa napanood na naman sa TV ang abo­gado ni Katrina kung saan ginawa raw nilang ebiden­siya ang audio tape na kasama sa counter affidavit ni Mrs. Irene Kho na magpapatunay na plinano ang mga gagawin ni Hayden sa issue at si Lolit Solis   ang may pakana ng lahat.

Matagal nang nagkalat ang nasabing audio tape na edited version na ang alam ng lahat ay kampo ni Hayden ang nagpakalat.

Actually, nagpaliwanag na dati pa si Tita Lolit sa nasabing tape. Kung pakikinggan daw ng buo ang nasabing usapan, iba ang magiging kuwento. 

Pero dahil ginagawang big deal, nag­paliwanag si Tita Lolit sa TV Patrol, sinabi niyang walang illegal sa nasabing audio clip at nagtataka siya kung bakit ginagawang issue ang nasabing pag-uusap eh wala naman itong kinalaman sa sex videos at inaamin niya naman na nang magsimula ang sex scandal totoong tinulungan niya si Hayden dahil kay Dra. Belo.

“’Alam mo Hayden, ‘yung 1992 Metro Manila Film Festival scam ako ang pinaka-hated na tao sa buong Pilipinas. Pero noong nakita ng Pilipinas na nagsisisi ako tinanggap nila ulit ako. 

“‘Tapos the best way pa is for your mother to ask for apology on your behalf.’ Pero hindi ko tinuro kay Irene Kho iyong pikit-pikit wala akong tinuro sa kanya,” kuwento niya kay Mario Dumaual.

At nagbago raw ang isip niya dahil wala siyang nakikitang pagsisisi kay Hayden sa mga nangyari.

“Ang pinag-uusapan dito iyong video ni Hayden Kho. Ang mga babae na hindi nila alam na bini-video na sila. Bakit ngayon nada-divert kung saan-saan ang issue?

“Ang pagkakasala ko sa buhay ay ang kadaldalan ko. Ngayon parang ako na ang nag-video, parang tinuruan ko na, ‘Hayden, Katrina mag-sex kayo. Kuku­nan ko kayo.’ Parang ganoon lang,” sabi ni Tita Lolit sa interview na ni-replay sa SNN.

“Kung sino man ang naglalabas niyan, kung akala nila makakatulong sa kanila, fine, make my day... Kung ang balak nila sirain ako, wala ka nang masisira sa akin sirang-sira na ako. Parang feeling ko, para akong patis na sinasawsawan ng lahat ng issue,” sabay tawa niya sa nasabing interview.

Kahit sina Kris Aquino at Boy Abunda ay magka­pareho ang opinion na parang iniiba na ang kuwento at may punto si Tita Lolit.

 I’m sure, wala nang oras si Tita Lolit sa ganitong issue sa susunod. Mas type niyang alagaan ang 45 niyang super cute na mga doggie na na-miss siya nang pumuntang Singapore.

Yup, 45 ang kasama niyang mga aso sa bahay.

* * *

Hindi napigilang umiyak ni Eva Castillo nang finally magkatabi sila ni Regine Velasquez sa upuan para sa presscon ng SRO Cinemaserye kung saan ipi-feature ang buhay ni Eva. Hindi nga naman akalain ni Eva na darating ang panahon na magkakasama sila pagkatapos ng kanyang mga paghihirap dahil natatalo man niya noon sa mga amateur singing contest si Regine, hindi naman masyadong naging maganda ang naging kapalaran niya samantalang si Regine ay nagtuluy-tuloy ang career. Si Eva, ma­agang nagkaanak – 17 pa lang siya noon at ngayon ay may apo na.

Pero naging instrumento si Regine para mabago ang buhay ni Eva nang ipahanap siya at makasama sa birthday special ng Asia’s Songbird.

Kuwento noon ni Regine, kinukurot-kurot pa siya ni Eva at sinasabing ‘buti ka pa’ nang una silang magkita.

Ngayon ang in house director ng GMA 7 ang nagha-handle ng career ni Eva at sunud-sunod ang guesting niya sa GMA 7 shows.

May special participation si Regine sa SRO Cinemaserye Presents The Eva Castillo Story na magsisimulang mapanood sa July 23.

Si Manilyn Reynes ang gaganap na Eva sa SRO.

Show comments