MANILA, Philippines – Kumalat kahapon sa internet ang isang video ng yumaong singer na si Michael Jackson nang nasunog ang buhok niya habang gumagawa ng isang Pepsi commercial noong 1984.
Nalapnos ang anit sa ulo at nasunog ang buhok ni Jackson nang aksidenteng magkaaberya sa mga pyrotechnic na ginagamit sa show.
Dati nang naipakita ang mga still photo ng aksidente pero ngayon lang nailabas mula sa website ng Us Weekly ang video na nagpapakita kay Jackson habang nasusunog ang kanyang buhok.
Hindi pa alam ni Jackson na nagliliyab na ang kanyang mga buhok dahil patuloy pa siyang nagsasayaw nang mga sandaling iyon.
Dinaluhan si Jackson ng mga tao sa set para patayin ang apoy. Nang lumuwa si Jackson mula sa kulumpon ng maraming tao, nakalbo na ang tuktok ng kanyang ulo.
Naganap ang aksidente sa panahon ng kasikatan ni Jackson. Nasaksihan ito ng mga libu-libong natulalang tagahanga sa Shrine Auditorium ng Los Angeles na pinagdausan ng show.
Iyon ang isang panandang panimula ng seryoso at matagalang mga hapdi na nararamdaman ni Jackson sa kanyang katawan. Sinasabi ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan na bago siya namatay sa edad na 50 anyos noong nakaraang buwan, gumon na gumon na siya sa mga gamot laban sa mga sakit na nararamdaman niya sa katawan.
Sa video, nakunan din si Jackson habang nasa loob siya ng ambulansya. Meron siyang benda sa ulo at suot pa niya sa kanang kamay ang kanyang puting guwantes.
Sa kanyang autobiography na Moonwalk, sinabi ni Jackson na isang kaistupiduhan ang naturang aksidente.
“Pumutok ang bomba sa magkabilang gilid ng ulo ko at pinagliyab nito ang aking mga buhok. Sayaw ako nang sayaw at ikot nang ikot. Hindi ko alam na nasusunog na pala ako,” sabi pa ni Jacko.
Dahil sa aksidente, binigyan ng Pepsi ng $1.5 milyon ang King of Pop bilang danyos pero idinonasyon lang niya ang pera sa isang burn center na nakapangalan sa kanya.