MANILA, Philippines – Sa pagdiriwang ng Sony Music recording artist na Pupil sa ika-apat na taon nila bilang isang banda, inilabas ang bago nilang album na Wildlife: Special Edition.
Kasama rin dito ang massive hits na Sala, Monobloc, Disconnection Notice at Teacher’s Pet. Nakapagpapa-excite rin dito ang mga bonus na demos, videos, at live EP.
Maririnig ang mga kanta sa iba’t ibang phases na parang nanonood ka ng isang makeover show. Dito, puwede kang pumili sa ‘before’ at ‘after.’ Nakapaloob din sa album ang latest single nila na Different Worlds.
Ang Pupil ay binuo noong 2005 nina Ely Buendia (vocals, guitars), Yan Yuzon (guitars), at Dok Sergio (bass). Sumama sa kanila ang veteran drummer na si Wendell Garcia noong 2007.
May 300 pangalan ang kanilang pinagpilian bago sila nagpasyang ibinyag ang Pupil sa kanilang banda at nang makabasa ng isang medical book si Ely.
Dumating ang malaking break ng Pupil noong 2005 nang lumabas na ang una nilang album na Beautiful Machines na kinapapalooban ng mga single na Nasaan Ka?, Dianetic at Dulo ng Dila.
Ang pangalawa nilang album na Wildlife ay napiling 2008 Album of the Year sa NU Rock Awards na kumilala rin sa kanila bilang Artist of the Year, Producer of the Year (Pupil at Jerome Velasco), Drummer of the Year (Garcia), at Best Music Video (Monobloc).