MANILA, Philippines – Ibinasura ng Manila Prosecutors’ Office ang kasong perjury na isinampa ng talent manager na si Rose Flaminiano laban sa mga sexy stars na sina Ara Mina, Maui Taylor at Aubrey Miles na inakusahang nagsinungaling sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).
Sa inilabas na resolusyon ni Assistant City Prosecutor Wilfredo Andres, dinismis nito ang kasong perjury laban kina Ara (Hazel Reyes), Maui (Maureen Ann T. Fainsan) at Aubrey (Aubrey S. Sandel) dahil nakabimbin pa rin ang isinampang kaso ng mga ito sa HLURB.
Aniya, kailangan munang matapos ang kaso sa HLURB upang magkaroon ng basehan sa kasong isinampa ni Flaminiano laban sa tatlo.
Batay sa record, nagsampa ng kaso ang tatlong sexy stars sa HLURB noong 2008 laban kay Flaminiano kung saan pinawawalang-bisa nito ang housing loans na ginawa ng huli gamit ang kanilang mga pangalan.
Subalit gumanti naman ng pagsasampa ng kaso si Flaminiano laban sa tatlo kung saan inireklamo rin niya ito ng perjury bunsod na rin ng pagsisinungaling o paggawa ng mga maling pahayag sa kanilang HLURB complaint.
Matatandaang inakusahan ng tatlong sexy stars si Flaminiano na gumamit ng kanilang mga pangalan upang makautang ng P8 million sa HLURB. Kasama rin sa kinasuhan ang asawa nitong si Edgardo at ang PAG-IBIG Fund at Ralf Realty na pagmamay-ari ng mga Flaminianos.
Iginiit ng tatlo na paano sila makakautang sa PAG-IBIG samantalang hindi naman sila miyembro dito. (Angie Dela Cruz)