Marami ang nagtataka kung bakit matagal nang hindi nakikitang sumasayaw sa Eat Bulaga kasama ng kanyang grupong EB Babes si Lian Paz. Akala nga ng marami ay totoo ang tsikang buntis na ang magandang dancer kaya ayaw magpakita in public.
Pero ang totoo, problema pa rin pala ni Lian ang sakit sa obaryo. Kasalukuyan siyang ginagamot dahil kung hindi ay baka tuluyan na siyang hindi magka-baby. Eh, ito pa naman ang gustung-gusto niyang mangyari.
Supportive naman sa nobya niyang may maselan na kalagayan si Paolo Contis.
Dapat lang dahil I’m sure kapag nagkatuluyan sila ay gusto nilang pareho ang magkaanak. Ngayon pa lamang ay inilalagay na nila sa ayos ang lahat. Good luck sa kanilang dalawa.
* * *
Kabagu-bago pa lamang ni Carla Abellana at gayong kasisimula pa lamang ng kanyang Rosalinda sa GMA 7 ay nakatakda na siyang gumawa ng pelikula sa kumpanya ni Mother Lily Monteverde, ang Regal Films. Ang hindi ko lang alam ay kung ano ang magiging role niya sa pelikulang gagawin niya sa Regal na Ang Nanay Kong Aswang.
Napakabata naman yata niyang maging nanay, ’di ba?
* * *
Minsan isinulat kong tinanggihan ni Isabel Oli ang role ng Babaeng Tuod sa serye ng Darna ng GMA 7. Hindi ko alam kung kanino na napunta ang role niya, basta kasama rin ang iba pang young actresses na magiging kontrabida ni Marian Rivera tulad nina Nadine Samonte, Ehra Madrigal, Maggie Wilson, at Iwa Moto. Hindi rin ako naniniwalang tumanggi si Isabel dahil ayaw niyang makasama ang ex-boyfriend na si Paolo Contis at ang sinasabing nakatampuhang si Nadine.
Tama nga ang rason ko na ang ama ni Isabel na may mabigat na karamdaman ang dahilan kaya hindi niya tinanggap ang serye. Kailangan niyang alagaan ng mabuti ang ama at hindi niya ito magagawa kung palagi siyang may taping.
* * *
Lumalaki ang isyu kay Ka Freddie Aguilar nang magpahayag ito na dapat mga awiting Pilipino ang pinapalaganap nina Arnel Pineda at Charice sa abroad at hindi mga awiting banyaga. Marami ang nagsasabing naiinggit lamang daw si Ka Freddie kaya nakapagsalita ng ganoon.
Dapat daw ay nagpasalamat na lamang siya na may mga Pinoy na nakikilala internationally, kahit pa sa pamamagitan ng pagkanta ng mga awiting banyaga.
Magkasya na lamang daw siya sa naging tagumpay ng kanta niyang Anak sa iba’t ibang panig ng mundo. At magkasya na rin siya sa karangalan na ibinibigay ng mga Pinoy na kinikilala sa ibang mga bansa ngayon.
Ang mahalaga ay magkaisa tayong mga Pilipino, matuwa tayo at maging proud sa karangalan na ibinibigay ng ating mga kababayan sa bansa.
Huwag tayong magwatak-watak. Maski na magkakaiba ang ating opinyon, maggalangan tayo.