Umbagan nina Baron at Aljur totohanan

Mama Salve, nalungkot ako nang mag-check in ako sa Stamford Hotel sa Singapore noong Linggo ng gabi.

Kasi naman, naalaala ko si Rudy Fernandez dahil siya ang kasama ko noong magbakasyon kami sa Singapore. Wala pa siyang sakit noon. Ka-join namin sa biyahe si Lorna Tolentino.

Nang pumasok ako sa hotel room ko at dumungaw sa bintana para tingnan ang swimming pool, nag-flashback sa akin ang pagbabakasyon namin nina LT at Daboy kaya naka-feel ako ng lungkot. Mahirap makalimutan ang isang Rudy Fernandez dahil isa siyang mabuting kaibigan, ama, asawa, at kapatid.

* * *

Mainit ang panahon dito sa Singapore at dahil hindi umuulan, sumama ako sa half-day city tour.

Maraming bagong building ang nagsusulputan. Hindi mo iisipin na affected ng recession ang Singapore, lalo na nang ikuwento ng aming tour guide na kabibili lamang ni Jet Li ng bahay sa halagang 20 million Singapore dollars. Hindi raw si Jet Li ang unang Chinese actor na nagkaroon ng property sa Singapore dahil naunang bumili rito ng bahay si Jackie Chan.

Gandang-ganda ako sa Singapore dahil sa maraming puno at bulaklak na nakatanim sa kalsada. Nanghinayang ako sa mga puno at halaman na ipinatanim ni Mrs. Imelda Marcos sa EDSA noong nasa puwesto pa sila.

Ang ganda-ganda noon ng Metro Manila pero may mga kababayan tayo na abusado dahil imbes na ma-appreciate ang kagandahan ng paligid, pinutol, ninakaw, at hindi nila pinahalagahan ang mga halaman.

* * *

Hindi pa tapos ang grand sale sa Singapore dahil tatagal pa ito hanggang July 26. Mali ang sinabi ni Isabel Oli na tapos na raw ang season sale sa Singapore.

Pabalik-balik si Isabel sa Singapore dahil dinadalaw niya ang kanyang tatay na may sakit. Masuwerte ang tatay ni Isabel dahil meron siyang mabait at thoughtful na anak.

* * *

Mali ang akala na gimik para sa pelikula ang pang-uumbag ni Baron Geisler kay Aljur Abrenica.

May mga reporters na nagpunta sa Bohol para i-cover ang shooting ng launching movie nina Aljur at Kris Bernal.

Sila ang makapagsasabi sa mga tunay na pangyayari. Imposible naman na iba-iba ang version nila.

Basta ang alam ko, lalabas ang katotohanan sa bandang huli. Mabait na bata si Aljur. Siya ang palaging nadedehado kaya walang maniniwala na siya ang nag-umpisa ng gulo.

Hindi ko masyadong kilala si Baron. Kilala ko siya as Baron na artista pero base sa mga gulo na kinasasangkutan niya, siya talaga ang may problema.

Kung gusto ni Baron na magkaroon ng tahimik na buhay, mag-behave siya para lalong gumanda ang takbo ng kanyang career. Magpasalamat din siya dahil hindi pa nawawalan ng tiwala sa kanya si direk Maryo J. delos Reyes.

He’s so lucky ha? Magagandang role ang ibinibigay sa kanya ni Kuya Maryo dahil naniniwala ito na puwede pang magbago si Baron. Huwag niyang sayangin ang tiwala ni Kuya Maryo!

Show comments