Manila, Philippines - Pinangunahan ni King of Comedy Dolphy at ng world class performers na sina Ryan Cayabyab, Lea Salonga, Gary Valenciano at Charice Pempengco ang star-studded na anniversary concert ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) kamakailan.
Binuksan ni Lea ang programa sa isang madamdaming solo number na sinundan ng pagtatanghal nina Rhap Salazar, Makisig Morales at Prince of Pop na si Erik Santos.
Isang masiglang medley naman ang hatid ng theater icons na sina Audie Gemora, Isay Alvarez at Robert Seña matapos awitin ni Jett Pangan ang kantang Magnificent..
Mainit din ang naging pagtanggap ng mga manonood sa Meralco theater sa duet ng soprano na si Rachelle Gerodias at Rachelle Ann Go, at sa US hit na Note to God ng international young diva na si Charice.
Ipinagdiwang ng programa ang ika-20 taon ng AFI, sa pamumuno ni managing director Regina “Gina” Paz Lopez, at binigyang pugay ang mga donors, volunteers at beneficiaries na naging bahagi at patuloy na nakikituwang sa mga proyekto nito tulad ng Bantay Bata 163, Bayan Foundation, E-Media, Bantay Kalikasan, Sagip Kapamilya, BayaniJuan at Kapit Bisig para sa Ilog Pasig.
Ipinaliwanag ng mga Kapamilya artists na sina Piolo Pascual, Zaijian “Santino” Jaranilla, Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, Anne Curtis, John Lloyd Cruz, anchor Bernadette Sembrano, Ai-Ai Delas Alas at Willie Revillame sa mga VTR bago ang respektibong production numbers, kung paano nabago ng mga naturang sangay ang buhay ng napakaraming indibidwal.
Binigyang papuri ni ABS-CBN President Charo Santos-Concio ang lahat ng nagawa ng bawat donors at supporters ng AFI. Tinawag niya rin si Gina na mabuting ehemplo ng isang babaeng abot-kamay na dumadamay sa nangangailangan.
Samantala, pinasalamatan naman ni Gina ang mga natulungan ng AFI na pinapasok sila sa kani-kanilang mga buhay at nakiisa sa proyekto para na rin sa kanilang sariling kapakanan. Saludo rin siya sa ABS-CBN Broadcasting Corp. sa patuloy at walang sawang pagsuporta sa adhikain ng AFI.
Sina Edu Manzano, Atom Araullo at Karen Davila ang nagsilbing hosts sa naturang concert.
Rosalinda May Replay Mamaya
Muling balikan ang mga nakakakilig na tagpo sa buhay ng pinakamagandang rosas sa telebisyon dahil ipalalabas ng GMA-7 ngayong Linggo ang mahigit isang oras na special re-run ng pilot week ng top-rating primetime series na Rosalinda.
Dubbed as Rosalinda: First Week, First Love, may pagkakataon na ang maraming manonood na muling mapanood ang mga nakakakilig, nakakatuwa at nakakabighaning mga eksena sa Rosalinda simula nang mag-umpisa ito noong Hulyo 6 na mapapanood pagkatapos ng Mel & Joey. Ipe-preempt nito ang mga programang All Star K! at Ful Haus.
Tampok sa telenovelang ito ang pinakabagong bulaklak sa showbiz na si Carla Abellana bilang Pinay Rosalinda at ang pinakabagong binatang kinahuhumalingan na ng maraming manonood na si Geoff Eigenmann bilang Fernando Jose.
Mapapanood sa Rosalinda: First Week, First Love ang kuwento ng pamilya ng Altamirano at Romero, ang naging kapalaran ng tunay na ina ni Rosalinda, ang katotohanan sa pagkatao ng dalaga at ang mga nakakakilig na eksena sa pagitan ng maganda, mahirap pero masayahing tindera ng bulaklak na si Rosalinda at ng guwapo, mayaman pero masungit na abogadong si Fernando Jose.
Ang Rosalinda ay mula sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes at Gil Tejada Jr.