Wala naman palang dapat na ipag-alala sa flu virus na mabilis na kumakalat sa buong mundo. Marami nang Pinoy ang tinamaan nito pero, swerte na marami rin sa kanila ang magaling na.
Si Regine Velasquez nga, ‘di naman pala dinedma ang major concert ni Charice sa SMX, ‘di ito nakarating sa konsiyerto ni Charice dahil nakaramdam na ito ng mga sintomas ng nakakatakot na sakit. Sa halip ay nagpasya na lamang ito na i-quarantine ang sarili niya at lumabas na lamang nung inaakala niya na magaling na siya.
Bagaman at mabilis itong makahawa sa iba, mabilis din naman itong gumaling. Sa tamang paggagamot at tamang pagkain, lahat makakaraos sa sakit na ito. Imaginin n’yo, kung dumating si Regine sa concert ni Charice, lahat ng mga nanood dun siguradong may sakit na rin ngayon. Pinalitan si Regine ng kaibigan niyang si Kuh Ledesma. Mabuhay ka Kuh!
Samantala, ready na sina Regine at Ogie Alcasid sa kasal ni Michelle Van Eimeren. Kakanta ang dalawa sa nasabing okasyon. Si Regine nangakong kakantahin ang pinaka-magandang awitin na maisip niya bilang regalo sa mga ikakasal.
* * *
Palalampasin ko ba ang pagkakataon na makisalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng isa sa itinuturing kong ina sa mundong ito. Tatatlo lamang sila, ang una ay ang biological mother ko na maagang namaalam sa mundong ito. Ang ikalawa ay ang showbiz mother ko na si Mrs. Nene Vera Perez, at ang pangatlo, si Gng. Imelda Romualdez Marcos.
Napakasaya at elegante ng party na ginanap sa isang 5-star hotel. Nagsilbi itong reunion ni Mrs. Marcos at ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak niya. Na-touch naman ako sa dasal na ini-offer niya para sa dating pagulong Cory Aquino. I thought it was a plea na magkasundo na at magpatawaran na ang lahat para sa ikabubuti ng ating bansa.
Nagkaroon din ng programa. Maganda ‘yung appreciation speech na inihanda niya para sa lahat.
* * *
Paano ba hindi mamahalin si Vilma Santos ng mga nasasakupan niya bilang gobernadora sa Batangas gayong tuwing may gagawin siyang proyekto bilang artista ay nagpapaalam pa muna siya sa kanila. Yes. May permiso siya para sa pelikulang ginagawa niya sa Star Cinema na kung saan ay isang buwan din siyang nag-shooting sa New York.
Pinapayagan naman si Gob. Vilma ng mga tao niya dahil ginagawa niya ang mga trabaho niya bilang gobernadora. Masipag siyang public servant. Walang taong magsasabi na pinababayaan niya sila. Kaya naman ang daming nanliligaw sa kanya para tumakbo sa isang mas mataas na posisyon sa 2010 na agad niyang kinontra sa pagsasabing wala siyang planong tumaas ng posisyon sa 2010.
Kahit sinasabi niyang pangatlong prayoridad lamang niya ang pag-aartista, walang magsasabi na hindi niya ito pinagbuti. Katunayan, hanggang ngayon, hindi niya ito iniiwan. At nananalo pa rin siya ng award.