ABS-CBN sinubpoena dahil kay Irene Kho

MANILA, Philippines – Hiniling ng mga abogado ng aktres na si Katrina Halili sa Quezon City Prosecutor’s Office na pa­dalhan ng subpoena ang ABS-CBN kaugnay ng interview nito kay Irene Kho.

Sinabi ng abogado ni Katrina na si Atty. Mamyr Tan na kailangang makakuha ng kopya ng video footage ng interview ng ABS-CBN kay Irene ang tanggapan ni Assistant City Prosecutor Rafael Villordon.    

Sinabi ni Tan na ang naturang footage ay isang ebidensiya sa kasong libelo na isinampa ni Katrina laban kay Mrs. Kho.

Sinasabi ni Mrs. Kho sa naturang interview noong Mayo na tinuruan umano ni Katrina na gumamit ng bawal na gamot ang anak niyang si Dr. Hyden Kho noong magkarelasyon pa ang mga ito.

Nabigo muli si Mrs. Kho na humarap sa pagdinig kahapon ng prosecutor’s office bagaman ang abogado lang niya na si Atty. Paulo Patajo ang dumating.

Nabigo muli si Mrs. Kho na magbigay ng counter-affidavit pero binigyan uli siya ng prosecutor ng palugit. (Angie Dela Cruz) 


Show comments