Diana Ross guardian ng mga anak ni Jacko

MANILA, Philippines – Nais ng King of Pop na si Michael Jackson na tu­mingin sa kanyang mga anak ang kapwa niya singer at kaibigang si Diana Ross kung sakaling hindi pu­wedeng mag-alaga sa mga ito ang sarili niyang ina na si Katherine.

Ito ang lumilitaw sa isang will o testamento na bina­langkas ni Jackson bagaman ginawa ito noon pang 2002.

Gayunman, sa testamento, inalisan ni Jackson ng mga karapatan sa anumang maiiwan niyang kaya­ma­nan at sa kanyang mga anak ang dati niyang asa­wang si Debbie Rowe.

Napaulat na inilagak ni Jackson ang kanyang mga ari-arian na umaabot sa milyun-milyong dolyar na halaga sa isang family trust.

Naging isang malaking isyu ang malaking kaya­manan at ang mga naulilang anak ni Jackson nang mamatay siya noong nakaraang linggo.

Pero, sa kanyang will, itinalaga ni Jackson bilang guardian ng kanyang mga anak ang ina niyang si Katherine.

Nilinaw din niya na, kung sakaling hindi puwede ang kanyang ina, si Ross na lang ang magiging guardian ng mga bata.

Idiniin niya sa testamento na sinadya niyang hindi isama rito ang dati niyang asawang si Rowe.


Show comments