O kita mo na, pumayag na ring lumabas sa Regal Films ang Megastar na si Sharon Cuneta. Sigurado nang magbibigay ng magandang laban sa darating na Metro Manila Film Festival ang kumpanya ni Mother Lily Monteverde na lately ay tinatamad nang gumawa ng pelikula dahil sa maraming problema na ibinibigay nito sa kanya.
Pero hindi nag-iisa si Mega, gusto niyang makasama sa isa pang episode ng Mano Po si Angel Locsin na kahit abala ay hindi makatanggi kay Mega. At sa kagustuhan ding mapagbigyan si Sharon at makasamang muli sa pelikula niya ang Kapamilya actress, pumayag si Mother Lily na hintayin ang availability ni Angel.
Aba, ngayon pa lamang nagiging interesting na ang MMFF. Aber tingnan nga natin kung masu-sustain nila ang interes ng mga moviegoers. Hanggang Disyembre.
* * *
Tama lang na madaliin ni Rico Maria Ilarde ang dinidirek niyang pelikulang Villa Estrella. Ang dami nang sabik na mapanood ito. At alam n’yo naman na kapag horror o suspense thriller ang pelikula, mas malaki ang nagagawa kapag agad na ipinalalabas dahil hindi nawawala ang interes ng manonood, kapag kasi pinagtagal baka, mawala ang ‘takot’factor na siyang nagpapainit sa mga manonood, lalo’t panay panay ang pagpapalabas ng trailer ng movie.
Okay lang kay Direk na makilalang horror director o suspense thriller director kung dito naman siya talagang makikilala. Hindi niya ito pinili, basta dumating na lamang sa kanya ng sunud-sunod ang mga pelikulang katatakutan, gusto niyang ipakahulugan na ito ang itinakda sa kanya ng kapalaran - ang maging direktor ng mga katatakutang pelikula. Tinatanggap niya ito ng buong lugod.
* * *
Halata naman ang lungkot sa mukha ni Pops Fernandez sa kanyang mga interviews sa TV. Aminado siya na malungkot siya pero walang kinalaman dito ang lovelife niya, ang pagiging single niya. Inamin niya na miss lamang niya ang dalawa niyang binata na ang isa ay nag-decide na sa US na mag-aaral at ang isa naman dahil bakasyon na sa iskwela ay nagpasyang sumunod sa kanyang kapatid at magbabakasyon muna, sa US din. With no man, to be with her, kataka-taka bang sad si Pops?