Bigating San Miguel Pale Pilsen TV ad may re-make?

MANILA, Philippines - Naaalala n’yo pa ba ang mga nakakatawang San Miguel Pale Pilsen TV commercials noong araw na nagpapakita rin ng magagandang katangian nating mga Pinoy?

Malamang, hindi malilimutan ng mga San Miguel Beer lovers ang walang katulad na si Bert “Tawa” Marcelo, isa sa mga sikat na endorsers ng San Miguel Pale Pilsen simula dekada 70. 

Isa sa mga commercial nito ang Isang Platitong Mani na marahil ay pinaka-di malilimutan dahil sa “star-studded” ang cast nito.  

Maliban sa komedyante, kabilang din dito ang yumaong boxing legend na si Gabriel “Flash” Elorde; billiards champion na si Amang Parica; pop singer na si Rico J. Puno at ang magaling na jockey na si Eduardo Domingo

 Ang balita ngayon ay magpapalabas daw ng bagong commercial ang sikat na brand na may temang hango raw sa mga classic commercials nito.     

Bigatin daw ang napiling cast para sa nasabing commercial at malamang maraming magugulat sa bagong “barkada” na ipakikilala dito.

Bilang patikim, ipinalabas muli kamakailan ng San Miguel Pale Pilsen ang ilan sa mga lumang commercial nito sa mga websites nitong www.sanmiguelpalepilsen.com.ph, www.sanmiguelbeer.com.ph at www.sanmiguelbrewery.com.ph.

 Ang balita pa ay may ilang dating endorser daw ang makakasama sa bagong patalastas. Marami-rami na rin ang mapagpipilian: nandiyan ang APO Hiking Society at sina Ina Raymundo, Rachel Lobangco, Kris Aquino, Dominic Ochoa, Efren “Bata” Reyes, Derek Ramsay, Erik Morales, Manny Pacquiao at ang Asian superstar na si Jet Li.

Show comments