Mapapanood na sa mga sinehan ang prinodyus na movie ni Piolo Pascual na pinamagatang Manila. Mas naunang napanood sa Cannes Film Festival ang pelikula na sinabi ni Piolo na hindi digital o indie, kinunan ito na katulad ng ibang mainstream na pelikula at binigyan niya ng budget na pang-mainstream din. Kasalukuyang nasa Moscow ang direktor ng pelikula niya na si Adolf Alix, Jr, dahil ipalalabas din ito dun.
Ayon kay Piolo, ginawa niya ang pelikula with the Cannes Film Festival in mind.
“Magmula nang maipalabas ito sa Cannes ay nagkasunud-sunod na ang imbitasyon para maipalabas at maisali ito sa iba’t ibang filmfest sa abroad.
“Nung nasa Cannes ako, feeling ko si Brad Pitt ako. Napaka-sarap pala ng feeling na kahalubilo mo ‘yung mga sikat na artista at personalidad hindi lamang sa Hollywood kundi maging sa ibang mga bansa rin.
“Nakamit ng Manila ang lahat ng dinasal ko, hindi ako nabigo sa mga expectations ko para rito. Sayang nga at dumating ako sa Cannes isang araw makatapos mag-premiere dun ang Kinatay ni Brillante Mendoza. Sana nakita n’yo ako sa Cannes, para akong isang fan na may dala-dalang camera at nakikipag-piktyuran sa mga artista. It was a humbling but definitely an experience worth repeating,” ani Piolo.
Humarap si Piolo sa media para lamang sabihin na makakasama siya sa mga huling linggo ng Komiks Presents Mars Ravelo’s Nasaan Ka Maruja. Kung ano ang magiging role niya sa nakakatakot na serye ang siyang masasagot sa pagwawakas ng serye pero, simula nung Sabado, June 20, kasama na siya sa serye pero ang likod lamang niya’t kamay ang nakita.
Isang palaisipan din kung mananatili lamang siya sa panaginip ni Cristy (Kristine Hermosa). Kung kailan nagkakaroon na sana ng kaliwanagan sa pagitan nina Cristy at Ross (Derek Ramsay) at saka naman darating ang character na gagampanan ni Piolo.
Hindi naman ora-orada ang alok kay Piolo na lumabas sa Maruja. Bago pa nagsimula ang paggawa niya ng Lovers in Paris, at bago pa sila umalis ni KC Concepcion para pumunta ng Paris ay tinanggap na niya ang alok ng management para lumabas sa Maruja, inilihim lamang ito para makalikha ng excitement at curiosity sa mga manonood ng telebisyon. Pero ngayon ay hindi na ito sikreto.
Si Piolo ang nagsabi kung ano ang kanyang role at kung may epekto ito sa buong istorya. Inaasahan lamang niya na makakatulong ang paglabas niya sa serye para ituon ng manonood ang pansin nila sa serye hanggang sa pagtatapos nito.
“Gusto ko talagang makasama uli si Kristine (Hermosa). Fourteen lang siya nang magkasama kami sa dalawang libro ng Kung Kailangan Mo Ako. Kontrabida ang role ko dun, inaagaw ko siya kay Marvin,” patuloy pa ng trusted endorser, recording and concert performer, TV and movie actor at TV and movie producer.
Nakatakda siyang umalis para sa Star Magic World Tours. Apatnapu’t pitong artista silang aalis para gumawa ng show sa California. Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-17th anniversary ng Star Magic.
Si Piolo ang kumanta ng theme song ng Maruja, ang I’ll Be Seeing You na nagbigay sa kanya ng inspirasyon na gawing pawang mga standard songs ang laman ng susunod niyang album.
Hindi ba sila magkakaroon ng conflict ni Richard Poon na ganito ring genre ang pinalalaganap?
“Hindi naman dahil big band ang istilo niya, ang mga kakantahin ko naman ay mga slow standards. I remember na the very first song that I sang was Strangers in the Night ni Tony Bennet.
Bago ang pagpayag niyang mag-guest sa Maruja, may naunang offer kay Piolo na mag-guest din sa May Bukas Pa.
“Hindi ko na tinanggap dahil baka maging guest star na lamang ako sa mga palabas ng ABS-CBN,” pangangatwiran niya.
Mukhang nagi-enjoy si Piolo sa pagpo-prodyus ng pelikula. Meron siyang ginagawang launching movie para kay Eugene Domingo na pinamagatang Kimmydora sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal. Dapat ay co-producer sila rito ni Dingdong Dantes pero, hindi natuloy kaya sumama na lang si Dingdong sa movie bilang isa sa mga stars.