Kung natuloy, kahapon ang meeting ng talents ni Douglas Quijano para pag-usapan kung sino ang kukunin nilang manager na hahawak sa kanilang lahat. Gusto nina Richard Gomez at Jomari Yllana na hangga’t maari, isang manager lang ang hahawak sa kanila’t very tight ang grupo nila at para silang pamilya.
May mga nagsa-suggest na si Marilen Nuñez na lang ang kunin nila’t close silang lahat dito, pero sabi ni Richard, events manager ito at may sariling business. Posible bang isa sa PAMI members ang maging manager nila?
“It doesn’t matter if PAMI member or not ang magiging manager namin. What is important ay kung kaya niya kaming hawakan lahat at tatanggapin kami as a group. Mahirap sa maliliit na artistang kasama namin, walang manager na magdadala sa kanila sa network at movie producers. Kaya gusto naming grupo pa rin kami,” sabi ni Richard.
Makikipag-meeting si Richard sa GMA management para sa pagbabalik ng Family Feud after Hole in the Wall at nalulungkot ito na siya na lang ang haharap sa big bosses ng network at hindi na niya makakasama si Douglas.
Samantala, sa June 24 na ang showing ng Bente nina Richard at Sen. Jinggoy Estrada sa direction ni Mel Chionglo at last sa Sine Direk Series ng APT Entertainment at DGPI. Si Iza Calzado ang kapareha ni Goma rito.
* * *
Sa mga naghahanap kay Paolo Bediones sa One Glamorous Night: Greater and Grateful at 59 anniversary ng GMA Network, wala ang TV host dahil nasa ibang bansa na para sa taping ng season 2 ng Survivor Philippines.
May nagtsika sa aming dare-dare lang ang pinagmulan ng break-up nina Paolo at Abby Cruz na nauwi sa totohanan, pero may communication pa rin sila at “love” pa rin ang tawagan.
Wala rin pala sina Lovi Poe at Jan Nieto dahil may show sila sa Palawan at “hindi naman” ang sagot ng manager ni Lovi na si Leo Dominguez kung totoong ban sa Ch. 7 ang alaga dahil tinanggap ang Lipgloss ng TV5. Pero walang show sa Siete ang dalaga.
Maraming Kapuso stars ang wala sa anniversary special na ginawa sa Araneta Coliseum last Friday gaya nina Robin Padilla, Jolina Magdangal, Alfred Vargas at Richard Gutierrez. Wala naman sigurong kinalaman ang nasulat na ayaw mag-promote ni Jolina ng Adik Sa ‘Yo kaya absent siya sa special night.
* * *
Overwhelmed si Glaiza de Castro sa mga papuri nina Jackielou Blanco at Maxene Magalona na magaling siya sa role niya sa Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin. Ang sarap daw ng feeling na napupuri siya ng co-stars at naniniwala siyang nasa right track siya sa pag-atake sa role ng kontrabidang si Gladys.
Samantala, nagsalita na si Glaiza sa isyung nilaglag nila nina Isabel Oli at Jennica Garcia si Nadine Samonte nang paghinalaan nilang source ng balitang dinalaw ni Wesley Gonzales si Isabel noong nasa Boracay sila dati.
“Hindi naman talaga namin siya inakusahan, speculation lang. Gusto namin siyang makausap para ma-settle na ang lahat, tini-text namin siya, pero ‘di siya sumasagot. Unfair din sa amin ang nasulat na iniwan namin siya dahil hindi kami lumayo sa kanya. Gusto naming matapos na ito dahil naaawa rin ako sa kanya. Sayang din ang nabuo naming friendship na matatapos lang dahil hindi kami nagkaintindihan. Ayaw din naming isipin niyang sinisiraan namin siya dahil hindi totoo ‘yun. Sana, isa sa mga araw na ito, mag-usap-usap kami, pero nasa Singapore pa si Isabel,” pahayag ni Glaiza.