Hayden inireklamo ng medical malpractice ni Katrina

MANILA, Philippines – Muling hiniling kahapon sa Professional Regu­lation Commission (PRC) ng aktres na si Katrina Halili na matanggalan ng lisensiya bilang doktor ang dati niyang lover na cosmetic surgeon na si Dr. Hyden Kho, Jr. dahil sa malpractice.

Isinama rin ni Halili sa pinatatanggalan niya ng lisensiya ang dati ring nobya ni Kho na isa ring cosmetic surgeon na si Dr. Vicki Belo.

Sinabi ni Halili sa kanyang pitong pahinang reklamo na inoperahan siya ni Kho sa pamamagitan ng liposuction kahit anim na buwan pa lamang ang nakakaraan mula nang makapasa ito sa medical licensure examination.

Batay anya sa rules, dapat ay may apat na taong general surgery residency sa mga ospital na accredited ng Philippine College of Surgeon ang isang doctor bago ito magsagawa ng kahit anong operasyon.

Nakasaad pa sa reklamo ng aktres na February, 2007 nang magkaroon ng medical license si Kho at isinailalim si Halili sa liposuction noong August ng pareho ring taon kaya maituturing pang undertrained o kulang sa kakayahan ang doctor para magsagawa ng mga cosmetic surgery.

Isinama din nito sa reklamo si Belo matapos umano nitong pahintulutan si Kho na makapagsagawa ng mga cosmetic surgery sa kabila ng kakulangan nito sa training. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments