Marian sinisiraan

Mukhang may effort na namang siraan si Marian Rivera dahil malapit na ang kanyang “paglipad” bilang bagong Darna ng GMA 7. May mga nagkakalat na naman ng kung anu-anong salita na sinabi raw niya particularly kay Katrina Halili na ayaw niya itong makasama pagkatapos lumabas ang mga issues dito.

Natandaan namin na sinabi ni Marian nang tanungin siya kung papayag ba siyang si Katrina ang gaganap na Valentina sa Darna, tanggap na tanggap niya dahil nagkaayos na silang matagal ni Katrina, plus wala naman siyang karapatang mag-demand kung sino ang dapat niyang kasama, ang GMA 7 lang ang may say kung sino ang isasama sa isang show na gagawin nila.

Sa ngayon, halos wala ng time si Marian na makipagkuwentuhan dahil kung hindi siya nagsu-shooting ng Tarot sa Regal Films, nagti-training naman siya ng Darna at patang-pata na at pasa-pasa ang mga legs sa paglipad niya gamit ang harness, kaya pagdating sa bahay, natutulog na lamang ang aktres. Heard na baka mas maagang ipalalabas ang Darna kesa sa unang nasabi na schedule.

* * *

 Matagal din kaming walang balita kay Roselle Nava maliban na lamang kung minsan ay napapanood namin siya kung guest sa TV pero ngayon ay magiging visible na siya after mag-sign ng three-year contract sa Viva Artists Agency (VAA) at five-year contract sa Viva Records, nalaman naming may ginagawa pala siyang bagong album, her seventh, at may three songs pa siyang iri-record.

Tentative ang August release nito, bago ang concert nila nina Rachel Alejandro, Geneva Cruz at Jessa Zaragoza sa August 28 at 29 sa SM City SkyDome, entitled Ladies of the ’90s. Sa ngayon daw, hindi pa sila ipinatatawag for a meeting tungkol sa concert na ipu-produce ng Viva Concerts kaya hindi pa sila nagkikita-kitang apat. Wala raw namang problema kasi halos magkakasabay silang nag-join noon sa recording industry.

Kasama ni Roselle ang boyfriend niya of eight years na, si Allen Tan na business partner niya sa dalawang Music Corner school nila, one in BF Parañaque at ang isa ay sa Visayas Avenue, na nagtuturo sila ng music sa mga bata from seven years old and above. May mga music teachers silang talagang nagtuturo sa mga bata. During recitals, siya ang personal na namamahala rito. Sa January 2010, church wedding na nila ni Allen sa Manila Cathedral in Intramuros at ang reception ay sa Patio Victoria ni Kring-Kring Gonzales.

* * *

Ngayon pa lamang ay hindi na tatanggapin ni Angel Locsin sakali mang i-offer sa kanya ang pagganap bilang si Elsa sa Himala ni Nora Aunor. Bukod daw sa hindi nito kayang gampanan ang role, ayaw din niyang magalit sa kanya ang mga Vilmanians na sabi’y nagtampo sa kanya nang puri-purihin niya kung gaano kahusay na aktres ni Nora. Ang katwiran naman ni Angel, dapat daw lamang namang irespeto ang mga aktres na tulad ni Nora, lalo na si Gov. Vilma Santos na alam naman daw ng lahat na malapit sa puso niya.

May isa namang beteranong writer na nag-comment na dapat daw ay hindi na lamang ginagawa ang mga pelikulang itinuturing nang classic dahil sayang daw kung hindi naman magagampanan ng artistang muling pagaganapin at kung hindi rin mapapantayan ang kagandahan ng proyekto.

Show comments