MANILA, Philippines – Nakumpirma ng ABS-CBN na mayroon na itong dalawang kaso ng A(H1N1) flu. Ligtas at pagaling na ang dalawang empleyado.
Ayon sa statement ng Dos, nakikipagtulungan ang kumpanya sa Department of Health kaugnay ng dalawang kaso at nagsagawa na rin ng contact tracing para masuri ang lagay ng mga taong nakasalamuha ng dalawang nagkasakit.
Kumilos agad ang ABS-CBN para maiwasan ang pagkalat ng sakit at namamahagi ng tamang impormasyon para mapangalagaan ng mga empleyado ang kanilang mga sarili laban sa A(H1N1) ayon pa sa statement.
Tuluy-tuloy din ang pakikipag-usap ng pamunuan ng kumpanya sa mga empleyado at ang pagpapalabas ng mga regular na update tungkol sa sakit.
Nilagyan na ng mga hand sanitizers ang iba’t ibang lugar sa broadcast complex. Inaalok din ng kumpanya ng bakuna ang mga empleyado at kanilang mga kaanak bilang panlaban sa trangkaso.
Mino-monitor na rin kung may lagnat ang bawat pumapasok na studio audience at mga bisita sa ABS-CBN. At bahagi ng pag-iingat, pina-disinfect na rin ang buong compound ng ABS-CBN.
Mananatili ang normal na operasyon ng ABS-CBN habang patuloy nitong itutulak ang kampanya para sa mahigpit na pagbabantay laban sa A(H1N1) virus.