Sa Sabado na naka-schedule ang cremation ni Tito Douglas Quijano ayon kay Tita June Torrejon, isa sa maraming taong kaibigan ni Tito Dougs sa showbiz.
Kasalukuyang pinaglalamayan sa Heritage Park ang labi ni Tito Dougs matapos siyang makitang wala nang buhay sa kanyang retirement house sa Lucban, Quezon last Saturday morning.
Ayon sa kuwento ni Tita Ethel Ramos sa kanyang column sa Pang Masa (PM) na isa ring matalik na kaibigan ni tito Dougs at kapanabayan niya sa showbiz, si Gelli de Belen ang na-assign sa pagpili ng kabaong at pagpili ng damit na susuotin habang ang kaibigan naman nitong si Marilen Nuñez, event specialist ang in-charge ng mga dapat ayusin sa wake.
Si Pagsanjan Mayor ER Ejercito naman daw ang nag-provide ng ambulance para madala dito sa Maynila ang katawan ni Tito Dougs mula sa Lucban, Quezon kung saan siya nagkaroon ng maraming kaibigan.
At pagdating pa lang daw ng katawan ni tito, ang dami-dami nang bulaklak sa Heritage Park na nang malaman nila ang presyo ay naisip nilang malaking halaga na sana at malaking tulong na sa mga pina-aaral ng namayapang talent manager.
Yup, pati raw ang isang anak ng kasama nito sa bahay, sa Ateneo pinag-aaral ni Tito Dougs.
Malaki rin ang naging tulong ni Tito Dougs kay Mr. Ben Chan ng Bench. Si Richard Gomez ang kauna-unahang endorser ng Bench na ngayon ay isa nang malaking clothing line sa bansa.
Maging ang ibang alaga niya ay naging endorser din ng Bench. “Kung may Douglas si Ben Chan, may Lolit Solis si Vicki Belo,” sabi ni Tita E.