Hindi mo naman masisisi si Marco Alcaraz kung siya ang mas kinabahan at nailang nang kunan ni Direktor Gil Portes ang love scene nila ng baguhang si Paloma sa indie film na Pitik Bulag. First time kasi niyang gumawa ng ganitong eksena at kahit na napaka-ganda ng kanyang kapareha, hindi maiwasan na kabahan siya. Kahit ready na si Paloma at maging ang cameraman na kukuha sa kanila, pumunta pa muna ng banyo si Marco para siguruhin na nasaayos ang kanyang plaster.
“Dati hanggang underwear lang kung kunan ako pero, that time bukod sa plaster, wala na akong iba pang suot. Kahit gaano ka-sexy ang kapartner ko, kinabahan pa rin ako. At first akala ko mage-enjoy ako sa scene, sa actual shoot pala, kakabahan ka,” paliwanag ng aktor.
Kahit na ngayong nakatakda nang ipalabas ang Pitik Bulag (Blind Luck) sa mga sinehan, hindi pa napapanood ni Marco ang kontrobersiyal na eksena. Baka sa premiere night na lamang ng movie niya ito mapapanood.
Ang Pitik Bulag (Blind Luck) ay kuwento ng isang mag-asawa na parehong nangangarap maging sikat na artista pero sa halip, mailap sa kanila ang tagumpay.
Isang stuntman si Angelo (Marco) at takilyera naman sa isang sinehan na nagpapalabas ng porno ang kanyang asawa (Paloma).
Akala ni Angelo ay sinuwerte na siya nang makuha ang isang bag na puno ng milyong piso na nahulog sa getaway vehicle ng mga bank robber. Binalikan ng mga magnanakaw ang kanilang rota at nakita ang wallet ni Angelo kaya nila ito tinunton. Biglang nagulo ang mundo ni action star wannabe at ng kanyang pamilya.
Ayon kay Portes, ang istorya ay kumuha ng inspirasyon sa isang tunay na holdapan sa isang bangko sa Laguna. Isang linggo matapos ang nakawan ay nasa nasabing bangko si Portes at isang kaibigan at narinig nila ang mga kuwento tungkol sa naganap na holdapan. Sa tulong ng writer na si Eric Ramos, nakabuo sila ng isang pelikula.
Naging problema nung una kung sino ang gaganap na asawa ni Marco. Marami silang pinagpilian, sa huli kinuha si Paloma.
Baguhan lamang si Paloma na tulad ni Marco ay nagsimula rin bilang print ad model, first movie niya ang Pitik Bulag.
Napapanood din siya sa Zorro bilang isa sa mga belyas ni Maureen Larrazabal.
Sa kabila ng pagiging baguhan niya, walang kiyeme si Paloma, totoo niyang pangalan, na magpakita ng kanyang katawan sa pelikula at gumanap sa ilang lovescenes nang walang saplot.
“Ako pa nga ang nagsabi sa kanya na huwag siyang mahihiya sa akin. Part lang yun ng trabaho namin,” ani Paloma na siyang nag-guide at nag-choreograph ng kanilang love scene ni Marco.
Trabaho rin ang dahilang ibinigay ni Paloma sa kanyang mga magulang nang maging April cover girl siya ng FHM. Ang kanyang ama ay isang retiradong opisyal na pulis at ang ina naman niya ay kasalukuyang propesora sa UP.
Sa UP rin nagtapos ng kanyang kursong Fine Arts major in Advertising si Paloma.
* * *
Sa episode ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya, ipamamalas ng mga kabataang bituin na sina Megan Young, Joross Gamboa at Aaron Villena kung hanggang saan ang ibibigay nila para sa pag-ibig. Dapat bang magtira sila para sa sarili nila o ibibigay ang lahat para lang mapasa-kanila ang mga mahal nila?
Ito ang mga tanong na sasagutin sa patuloy pa ring nangungunang drama anthology sa bansa, ang MMK ng ABS-CBN sa direksiyon ni Jeffrey Jetturian, writer si Mark Angos.
* * *
Nakakalungkot naman ang balitang tinanggal na si Jiro Manio sa seryeng Tayong Dalawa, hindi na rin siya ire-represent ng Star Magic bilang talent nito.
Narating ng Star Magic ang desisyong ito matapos ang maraming pagkakataong ibinigay kay Jiro para itama ang ilang mali nito at ibalik ang interes na gampanan ang kanyang role sa nasabing teleserye.
Nauna rito, kinausap ng Star Magic ang batang aktor upang pag-usapan kung anumang problema mayroon ito. Nangako naman ito na babalikan ang kanyang trabaho pero, hindi niya tinupad at patuloy na hindi sinipot ang kanyang taping.
Katulad ng Star Magic, nanghihinayang ako dahil mahusay na artista si Jiro, nakapanghihinayang ang kanyang pagkawala sa Tayong Dalawa pero kailangan siyang bigyan ng leksiyon dahil sa kanyang unprofessional at irresponsible behavior.