Tatlo sa pinakasikat na pangalan sa larangan ng musika ang makikiisa sa Boto Mo iPatrol Mo: Ako ang Simula ng ABS-CBN para himukin ang mga kabataang Pinoy na maging aktibo sa darating na halalan sa 2010.
Magsasanib-puwersa ang singer-songwriter na sina Rico Blanco, Aia de Leon ng Imago at Raimund Marasigan ng Sandwich upang bigyang-buhay ang awiting Ako ang Simula, ang theme song ng kampanya ng ABS-CBN para sa darating na eleksiyon kung saan tinatawagan ang mga Pilipino, lalung-lalo na ang kabataan, na mag-register at bumoto.
Ang awitin na sinulat ni ABS-CBN creative director Ira Zabat at nilikha ni Mike Villegas, ay tungkol sa pagsisimula ng pagbabago sa ating bansa. Maririnig dito ang sikat na drumbeat na karaniwan nang naririnig sa mga patalastas ng Boto Mo iPatrol Mo (BMPM) simula pa nang ilunsad ito noong 2007.
Mayroon din itong mensahe ng pagkakaisa at agarang pagtugon sa tawag ng pagbabago na nasasalamin sa lyrics tulad ng “’Wag nang mahimbing sa sariling mundo/’Wag nang iwaldas ang dekadang bago/Ako ang tutupad sa pangakong ito/Ako ang Simula ng pagbabago.”
“Nais naming sabihin sa mga kabataan na walang oras na dapat aksayahin. Ang pagbabagong hinihintay mo para sa bayan ay maaaring mangyari ngayon at sa iyo mismo ito magsisimula. Ang kabataan ang pinakamalaking populasyon ng botante sa bansa at kaya nilang baguhin ang lahat sa pamamagitan ng pagsasama-sama,” sabi ni ABS-CBN news gathering head Charie Villa.
Tunghayan sa unang pagkakataon ang music video ng Ako ang Simula, na nilikha ng ABS-CBN creative communications management, ngayong Huwebes (June 11), 9:55 a.m. hanggang 10:10 a.m. sa annual flag-raising ceremony ng ABS-CBN.
Inaanyayahan din ang lahat na mag-register para bumoto sa Commission on Election booths at mag-register para maging Boto Patrollers ng BMPM sa mga booths na itatayo sa Legaspi, Iloilo, General Santos, at Eastwood. May BMPM booth din na itatayo sa Rizal Park sa Maynila ngayong araw.
Para sa mga sariwang balita kaugnay sa halalan ay bumisita lamang sa www.abs-cbnnews.com/botomo or www.twitter.com/abscbn_halalan.