Direk Dante may tampo sa Gobyerno
Kahit hindi maipalabas locally ang mga pelikula niya, lalo na ang kapapalabas lamang sa Cannes Film Festival na Kinatay kung saan ay nagwagi siya bilang Best Director ay okay lang kay Brillante (Dante) Mendoza pero hinding-hindi niya pararaanin sa censorship ang kanyang pelikula.
“Hindi pa handa ang Pinoy sa klase ng pelikula ko, hindi nila magugustuhan ‘yung katotohanan na ipinakikita ng pelikula ko. Kaya ayaw ko ng censorship, ayaw kong magbayad para lamang ipa-censor ang pelikula ko. Naiintindihan ko naman dahil sa Cannes din ay sinabi ng mga nakapanood na disturbing at powerful daw ang Kinatay. Nagpapakita ako ng the good and bad sides of truth pero, nagbibigay din naman ako ng option, bahala ang audience kung ano ang pipiliin nila,” pagtatanggol niya sa kanyang pelikula na binigyan ng 10 minutes standing ovation sa Cannes.
“Overwhelmed ako dahil alam kong maliit lang ang pelikula ko,” dagdag pa ng direktor.
Sinabi lamang ni Brillante na nalulungkot siya dahil walang suporta ang gobyerno sa mga katulad nilang filmmakers.
“Kung meron man silang itinutulong, galing din yun sa atin, sa mga taxes na ibinabayad natin,” reklamo niya.
- Latest