MANILA, Philippines – Nakatakdang sampahan ng kontra-demanda ng Philstar Daily Inc., publisher ng Philippine Star ang Philosophy By Mikaela Salon and Holistic Center na pag-aari ni Mikaela Bilbao, isang beauty clinic, matapos itanggi ang kanilang obligasyon sa mga lumabas na advertisement sa Philippine Star at sa tatlo pang broadsheet - Philippine Daily Inquirer Inc., Manila Bulletin Publishing at Business World Publishing Corp.
Naunang nag-file ng kaso ang Mikaela Salon laban sa apat na publication.
Sinabi ni Dolly Bonilla, presidente ng Mikaela Salon and Holistic Center Inc. na wala silang legal obligation sa mga lumabas na advertisements dahil ang ALV Consultus na pag-aari ng talent manager na si Arnold Vegafria na kasama sa demanda (ang kanilang kinuhang advertising agency noong magkaroon ng launching ang nasabing beauty clinic) ang dapat managot sa mga utang sa print ads na umabot sa kung ilang milyon.
Iginigiit ni Bonilla na ang naging transaksiyon nila ni Vegafria at ng ALV ay hinggil lang sa conceptualization at design ng kanilang billboard advertisement kaya responsibilidad ng ALV ang magbayad ng print ads.
Sinabi pa ng salon na hindi kasama sa kasunduan nila nina Vegafria ang paglulunsad ng advertising campaign sa mga pahayagan.
Ayon naman sa ALV Consultus, alam ni Mikaela (may-ari ng salon) ang lahat. “Everytime na nagpapirma kami, nagwawala si Mikaela. Pero approved niya ang lahat ng media plans at may pirma.”
Pinayuhan pa raw ng ALV si Mikaela noon na malaking pera ang kailangan para sa print ads. Pero Mikaela insisted na meron silang sapat na pera at may budget silang P500 million para sa print ads pa lang.
Lumabas ang malalaking print ads ng Mikaela Salon sa Star simula noong February hanggang April 2009.