Hindi ko akalain na isa na ring producer ng pelikula si Piolo Pascual. Kailan lamang niya ito ini-announce, sa presscon ng Pop Icons concert na kung saan ay kasama niya sina Sam Milby, Mark Bautista, Christian Bautista at Erik Santos pero heto at napanood pa sa Cannes Film Festival.
Hindi ko lang alam kung solo niya ang pagpo-prodyus o may mga ka-partners siya pero, maganda ‘yung ginagawa niya, nakakatulong siya sa mga manggagawa ng pelikula na walang trabaho.
Hindi naman gaanong mahirap para sa isang katulad niya ang gumawa ng movie. Sa kaso niya, hindi ito naging problema dahil bukod sa kanya may nga kaibigan siyang malalapitan para lumabas sa movie niya.
* * *
Nagpang-abot pala ang grupong Vilmanians at Noranians nung Star Awards For Movies. Mabuti na lamang at hindi sila nagkasakitan.
‘Yang ganyang away ng mga fans ay hindi dapat mangyari. Parang napaka-cheap! I’m sure kapag nalaman ito ng mga idolo nila ay kokondenahin sila. Dapat kasabay ng pagbabago ng panahon ang pagiging mature ng paghanga sa mga artsta. Magkasya na lamang sila sa kung ano ang naabot ng kanilang idolo, huwag nang mainggit sa iba.
Humahanga ako sa loyalty ng dalawang grupo. Aba, 60s pa sila pero hanggang ngayon, naririyan pa rin sila. Alam ko ikinatataba ito ng puso nina Vilma at Nora. Pero kung magpapatuloy sila sa pag-aaway nila, mapipintasan sila. Matanda na sila. Tapos na ang mga panahong mainit ang labanan ng kanilang mga idolo.
Tumatanda naman sila ng paurong!
* * *
Ang ganda-ganda naman ni Sarah Geronimo nung Star Awards For Movies. Totoo kayang walang lalaking nagbibigay sa kanya ng ganitong glow?
Sarah it’s about time na magkaroon ka na ng inspirasyon. Hindi ko naman sinasabi na magpaka-seryoso ka, pero bahagi ang lalaki ng iyong growth bilang isang babae.
Hindi naman ako maniwalang walang nagkakagusto sa ‘yo, ‘yang ganda mong ‘yan! Baka naman hindi mo sila binibigyan ng encouragement. I’m sure maski na ang nanay mo, maiintindihan na ang kanyang “baby” ay dalaga na at liligawan na. Walang masama kung mangyari ito sa iyo. Ang mahalaga, hindi mo hahayaang pangunahan ng puso ang iyong isip.