MANILA, Philippines – Ginigipit umano ng GMA Network ang aktres na si Yasmien Kurdi para makipag-areglo a aktor na si Baron Geisler sa hindi malamang dahilan.
Ito ang sinabi kahapon ng abogado ni Yasmien na si Ferdinand Topacio sa kasong sexual harrasment na isinampa niya laban kay Baron.
Sinabi ni Topacio na pini-pressure umano si Yasmien ng home network nito. Inihalimbawa niya ang isang balita na iniere ng naturang network kamakalawa ng gabi na nagsasabing nakahanda ang kanyang kliyente na iurong nga ng demanda.
Pero sinabi ni Topacio na misquoted lang si Yasmien.
“Nilinaw namin na hindi namin iuurong ang demanda laban kay Mr. Geisler,” sabi ni Topacio sa kanyang sulat kay GMA vice president for television Marivin Arayata at Lilibeth Rasonable.
Pinuna rin ni Topacio na nabigo ang GMA-7 na sundin ang kahilingan nila na burahin ang anumang eksena sa isang bagong soap opera na magkasama sina Yasmien at Baron.
“Kinukulit si Yasmien na magkaroon ng face-to-face conversation with Geisler,” sabi pa ni Topacio na nagbigay pa ng dalawang security escorts sa aktres para pangalagaan ito laban kay Baron.
dinagdag ni Topacio na pinilit din umano ng network si Yasmien na makipag-usap sa abogado ni Baron sa telepono.
“Kung ayaw makipag-usap, hayaan na lang at makakapagpalubha lang yan ng sitwasyon,” sabi pa niya.
Nanawagan si Topacio sa GMA Network an huwag makialam sa kaso laban kay Baron.